Pangulong Aquino buhos ang
suporta sa industriya ng niyog
REY MARFIL/Spy
on the Job
Jan. 12,
2014
Hindi ba’t
kapuri-puri ang desisyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na ipalabas ang
P155.8 milyon para sa rehabilitasyon ng bahagyang nasirang mga puno ng niyog sa
mga lalawigan ng Compostela Valley at Davao Oriental.
Sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM), ipinalabas ng Pangulo ang pondo sa Philippine Coconut Authority (PCA) para simulan ang rehabilitasyon ng taniman ng mga niyog na naapektuhan ng bagyong Pablo.
Kinuha ang pondo sa 2013 Supplemental Appropriations o republic Act (RA) No. 10634 na gagamitin ng Department of Agriculture (DA) para tulungan sa kanilang hanapbuhay ang mga magsasaka ng niyog.
Sa ipinalabas na P155.8 milyon, gagamitin ang P115.2 milyon sa pagtatanim ng mga niyog habang P40.6 milyon naman sa tinatawag na coconut fertilization.
Nakita kasi ng Pangulo ang kahalagahan na magpatuloy ang tinatawag na post-Typhoon Pablo rehabilitation sa ibang mga lalawigan katulad ng Davao Oriental kung saan nagmumula ang 90% ng trabaho mula sa taniman ng niyog.
Hindi lamang maibabalik sa mga magsasaka ng niyog ang kanilang hanapbuhay kundi lalo pang lalakas ang aktibidad ng kalakal doon. Kabilang sa programa ang pagbili at pamamahagi ng mga buto kasama ang probisyon para sa suportang teknikal sa nursery at pagtatanim.
Kasama naman sa coconut fertilization ang delivery at distribusyon ng abono at probisyon para sa tinatawag na suportang teknikal sa aplikasyon nito. Sa pamamagitan ng koordinasyon ng iba’t ibang mga ahensiya, sisiguruhin ng PCA na makakakuha ng kailangang mga suporta ang mga magsasaka ng niyog katulad ng materyales at teknolohiyang kanilang kailangan.
Higit na mahalaga rito ang isinusulong na ‘Build Back Better’ ng pamahalaan na kinabibilangan ng malawakang paglikha ng kultura kaugnay sa katatagan na kayanin ang mga peste at kalamidad na mahalaga sa mga komunidad na umaasa sa agrikultura.
Sapul noong Oktubre 2014, umabot na sa P10.42 bilyon ang naipalabas sa iba’t ibang ahensiya sa ilalim ng Task Force Pablo Rehabilitation Plan para tugunan ang pangangailangan sa kabuhayan, serbisyong sosyal, imprastraktura at resettlement programs sa Compostela Valley at Davao Oriental.
Nakatanggap na rin ang Department of Agriculture at attached agencies ng kabuuang P302.9 milyon kung saan napunta ang P115.8 milyon sa PCA para sa tinatawag na crop production.
Aasahan pa natin ang mas marami at malaking tulong kay PNoy sa ilalim ng kanyang good governance campaign.
***
Suportahan natin ang panawagan ni PNoy sa nakalipas na Pasko kaugnay sa lalo pang pagsulong ng daang-matuwid na kinatampukan ng mahahalagang mga reporma ng kanyang administrasyon. Tama ang Pangulo sa paghimok sa mga Pilipino na manatili sa tuwid na daan lalo’t tinututukan ng kanyang pamahalaan ang mga aral ni Messiah na may kinalaman sa hindi makasariling paglilingkod sa mga tao at bansa.
Sa mahigit
apat na taon ng kanyang administrasyon, nagawa ng Pangulo na papanagutin ang
hinihinalang tiwaling mga opisyal, ayusin ang mga problema ng bansa, tulungan
ang mga biktima ng kalamidad at makapagbukas ng bagong oportunidad sa mga
Pilipino.
Mas magiging makahulugan ang holiday season sa mga Filipino kung gagamitin natin itong oportunidad para mas palakasin pa ang ating samahan sa pamilya.
Higit sa lahat, dapat tayong sumuporta kay PNoy sa pagsusulong ng matuwid na daan at malinis na pamamahala at magdasal na mabigyan ang bawat isa ng lakas ng loob na isulong ang iba pang mga reporma sa bansa.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment