Monday, January 19, 2015

-May malasakit









                                                       -May malasakit
                                                                         REY MARFIL

Kitang-kita ang malaking puso at malasakit ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pagtugon sa mga suliranin ng overseas Filipino workers (OFWs).


Sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM), iniutos ni Pangulong Aquino ang pagpapalabas ng karagdagang P50 milyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) para dagdagan ang P100-milyong emergency fund na makakatulong sa patuloy na pagpapabalik sa bansa ng mga kababayan nating naaapektuhan ng lumalalang kaguluhan sa Libya, Syria, Iraq, at Gaza.


Nagdeklara na ang DFA Crisis Alert Level 4 sa apat­ na bansa, nagpalabas ng total deployment ban at pagpapatupad ng mandatory repatriation para sa mga Pilipinong naninirahan doon.


Labis ang ipinapakitang pagpapahalaga ni PNoy sa ating mga kababayan na nahaharap sa problema sa seguridad sa ibang bansa kaya naman prayoridad nito ang pagpapabalik sa kanila sa Pilipinas.


Kaya sinasagot ng administrasyong Aquino ang kanilang pamasahe pagbalik sa bansa at naghahanda ng mga programa para sa kanilang hanapbuhay. Nauna nang natanggap ng DFA noong Agosto ang P100-milyong emergency fund na ginamit sa mga Pilipinong naipit sa Libya.


Magagamit ang nasabing mga pondo na kinuha sa 2013 Contingent Fund para ayudahan ang Assistance-To-Nationals (ATN) Fund ng DFA.


Bibilisan din ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kailangang mga proseso para sa pagkakaloob ng P50-milyon at P800-milyong pondo, ayon sa pagkakasunud-sunod para tulungan ang repatriation program ng pamahalaan.


Alam ng Pangulo na mahalaga ang repatriation program sa kaligtasan ng mga Pilipinong naiipit sa problema sa seguridad sa iba’t ibang mga bansa.


Kaya naman laging inihahanda ng administrasyong Aquino ang mabilis na pagtugon sa kanilang pagpapabalik sa Pilipinas sa panahon ng krisis.


***


Patuloy na makikinabang sa matuwid na daan ni PNoy ang sektor ng agrikultura sa bansa. Bunsod ito ng ipinalabas na P2.1-bilyong pondo ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa konstruksiyon ng mga tulay sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas.


Ipatutupad ng DAR ang programa sa ilalim ng Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP) project. Nagmula ang pondo sa 2014 pambansang bad­yet ng Department of Public Works Highways (DPWH) kung saan babayaran ang Matiere SAS, isang kumpanyang French na nagkakaloob ng materyales sa departamento para sa konstruksiyon, paglalagay at pagtatayo ng girder-type universal bridges (unibridges).


Layunin ng TPKP unibridges na idugtong ang tinatawag na agrarian reform communities at mga lugar na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga kalsada patungo sa pangunahing merkado sa tulong ng Program Beneficiaries Development (PBD) ng DAR.


Malaking bahagi rin ng proyekto ang Program Beneficiaries Development ng DAP para masiguradong makakamit ang layunin ng programa. Siguradong matutulungan ng mga imprastrakturang gagawin sa ilalim ng TPKP ang mga benepisyunaryo ng repormang agraryo sa bansa upang lalong mapabilis ang pagdadala ng kanilang mga ani sa merkado.


Nagkasundo na rin ang DAR at DPWH na palitan ang nasirang Desamparados at Tultugan bridges sa Bohol circumferential road sa kondisyong madedetermina na makikinabang dito ang mga benepisyunaryo ng progra­mang agraryo at mga lugar na sakop ng CARP sa rehiyon.


Mahalaga kasing maikonekta ang mga magsasaka sa pangunahing mga kalsada gamit ang itatayong mga tulay para matiyak ang kaunlaran sa kanayunan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: