-Maging masaya!
REY MARFIL/Spy
on the Job
Jan. 7, 2015
Isa sa mga
dahilan ng pagkakasakit ay ang pagiging stress. Sa bilis ng takbo ng pamumuhay
ngayon, hindi maiwasan na magkaroon tayo ng problema sa ating personal na buhay
at sa trabaho. Pero kung karaniwang manggagawa ka na nakararanas ng stress
dulot ng pagod at labis na pag-iisip, papaano pa kaya kung ikaw ang Presidente
na sasalo sa napakaraming problema ng bansa?
Madalas nga ay nakikita ng publiko si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga balita na seryosong hinaharap ang mga problema tulad ng pagdalo sa mga pulong gaya ng paghahanda o pagtugon sa mga kalamidad. Seryosong Presidente rin ang nakikita natin sa mga balita kapag nagtatalumpati at nag-iinspeksyon ng mga proyekto.
Subalit kung minsan, nakikita rin naman natin si PNoy na nagpapasok ng mga biro o joke sa kanyang mga talumpati o talakayan sa mga pagkakataon na hindi naman kailangang dibdibin ang usapan. Gaya na lang nang may magtanong sa estado ng kanyang love life at sinagot niya na “zero” na tulad ng isang softdrink. Indikasyon ito na may sense of humor ang Pangulo na kahit papaano ay makabubuti sa kanyang kalusugan.
Aba’y bakit hindi, “laughter is the best medicine” ika nga. At sa dami ng mga problema ng bansa na kailangang tugunan at lutasin, at sa dami ng mga gawain na kailangang asikasuhin, hindi nakapagtataka na kung minsan ay sumama ang kanyang pakiramdam at magkasakit. Natural iyon dahil tao rin naman ang Pangulo.
Marahil ay marami rin ang natuwa nang mapanood nila si PNoy sa taped interview ni Vice Ganda para sa programa nitong Gandang Gabi Vice. Dito ay makikitang game at relax ang Pangulo sa pagsagot sa mga pabirong tanong ng host-comedian -- pati na sa tungkol sa kanyang numinipis na buhok, na marahil ay bunga ng stress ng pagiging Presidente maliban pa na nasa lahi na rin ng kanyang pamilya.
***
Pero kung may nasiyahan, gaya ng inaasahan, hindi rin mawawala ang mga pumuna sa naturang panayam. Masyado raw mababaw na pinatulan ng Palasyo si Vice Ganda. Ngunit dapat din naman nating isipin na ang panayam ay ginawa sa panahon ng holiday season na ang karamihan sa ating mga kababayan ay nagre-relax at masaya ang mood. Parang “kill joy” yata kung masaya ang mga tao ay papasukan mo ng usapang problema?
Gaya nga ng sabi natin, sa tindi ng takbo ng pamumuhay ngayon, marami ang naii-stress at kailangan na paminsan-minsan ay mag-relax sa problema kahit man lang ilang saglit -- kabilang na siguro dapat diyan ang Pangulo.
At dahil kilala si Vice bilang isang komedyante at ang tema ng nabanggit niyang programa ay magbigay ng kasiyahan, natural din lang na maging “light” at hindi sobrang seryosong tanong tungkol sa problema ng bansa na ibinato kay PNoy.
Sa halip, kahit papaano siguro ay naipakita sa programa ang tinatawag na “lighter side” ng Presidente.
Gaya nga uli
ng sabi natin, kung tutuusin ay mayroong “sense of humor” ang Presidente base
sa ilang talumpati na napapanood natin sa balita.
Marahil ay hindi nararapat na pagdebatehan kung dapat o hindi dapat pumayag ang Malacañang na makapanayam ni Vice si PNoy. Siguro ang dapat na lang isipin ay kung napanood mo ba ang panayam at kung napasaya ka ba nito o napatawa.
Kung oo, mabuti. Dahil kahit papaano ay may mabuting dulot iyon sa iyong kalusugan. Pero kung hindi mo naman napanood o kung napanood mo man at hindi ka nasiyahan, makabubuting huwag mo nang dibdibin ang programa para hindi na madagdagan ang iyong stress.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment