Wednesday, January 21, 2015

-Kahanga-hanga






                                                  -Kahanga-hanga
                                                      REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                   Jan. 21, 2015

Kahanga-hanga ang ipinakitang pananampatalaya ng mga Pinoy sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis. Umulan man o umaraw, umaga man o gabi, nagtiyaga ang ating mga kababayan na maglakad ng malayo at tiniis ang gutom makita lang at mapakinggan ang mensahe ng lider ng Simbahang Katoliko.


Bukod sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nangasiwa sa seguridad at mga aktibidad ng Santo Papa sa bansa, dapat talagang papurihan din ang mga kababayan natin na nag­pakita ng kanilang pakikiisa para maging maayos at ligtas na maidaos ni Pope Francis ang kanyang mga aktibidad.


Sa totoo lang, dahil sa matagumpay na pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas, hindi lang naman ang pamahalaang Aquino ang nakatanggap ng kredito kung hindi ang buong mamamayang Pilipino. Kabi-kabila nga ang napaulat na papuri ng Vatican at pati ng mga dayuhang mamamahayag sa nasaksihan nilang debosyon ng mga Pinoy.


Bakit nga naman hindi, mula sa pagdating ni Pope Francis kahit gabi na, hanggang sa umulan at bumagyo, kahit na mainit nang umalis siya ng umaga sa Pilipinas, nakita nila ang napakaraming tao na nais masilayan at mabasbasan ng Santo Papa.


Dahil sa pag-ulan dulot ng bagyong Amang, may mga pangamba na baka kakaunti lang ang sumipot na tao sa misang pangungunahan ni Pope Francis sa Tacloban City, gayundin sa Luneta. Pero ipinakita ng mga Pinoy na water­proof ang kanilang pananampalataya.


***


Sa Tacloban City, hindi tubig ang bumaha kung hindi mga tao at kanilang mga luha na naantig sa mensahe ng Santo Papa para sa mga kababayan nating naulila dahil sa mga kalamidad gaya ng lindol at bagyong Yolanda.


Pagdating sa Luneta, umapaw din ang mga tao at nagawa pang higitan ang limang milyong katao na dumalo sa misang isinagawa noon ng yumaong Pope John Paul II, na isa ng Santo ngayon.


Nakalulungkot nga lang dahil may buhay na nawala sa Tacloban City nang mabagsakan siya ng scaffolding matapos ang misa dahil sa malakas na ulan. Dahil din sa bagyo ay kinailangang putulin ang takdang panahon na dapat na ilalagi ni Pope Francis sa Leyte dahil sa bagyong Amang. Madali naman itong naunawaan ng mga tao dahil batid nila higit na kailangan na unahing isipin ang kaligtasan ng Santo Papa.


Mabuti at ligtas din at hindi napahamak ang mga sakay ng eroplanong sumadsad sa Tacloban airport kung saan sakay din ang ilang opisyal ng pamahalaan na sumu­subaybay sa biyahe ng Santo Papa.

Patunay ang insidenteng iyon na hindi biro ang pagbabantay na ginawa ng pamahalaang Aquino sa lider ng Vatican.


Hindi na rin dapat na intrigahin pa ang ginawang pag­puna ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa ilang kasapi ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa harap ni Pope Francis dahil sa pananahimik nila noong panahon na umano’y umaabuso ang nakaraang administrasyon. Kung tutuusin, maging si Pope Francis naman ay may puna at paalala sa mga lider ng bansa na bukas sa kalooban na tinanggap ni PNoy.


Gayunman, sinabi ng Pangulo na bago pa man ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa ay tinutugunan na ng kanyang pamahalaan ang usapin tungkol sa kahirapan at katiwalian. Isang patunay nito ang mga opisyal na kinasuhan, pagganda ng ranking ng bansa sa anti-corruption index, at ang conditional cash transfer program naman sa aspeto ng kahirapan at pagpapahalaga sa mga bata.


Napakaraming paalala at pangaral na ibinigay ni Pope Francis sa mga Pilipino; mula sa kabataan, buong pamilya, mga lider ng bansa, sa mga nahaharap sa pagsubok, at iba pa. Ang malaking pagsubok ngayon sa mga Pinoy sa pag-alis ng Santo Papa ay ipakitang hindi lang matibay ang pananampalataya ng mga Pinoy, kung hindi mahusay din tayong isabuhay ang mga pangaral na ating nakuha sa kanya.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: