Friday, January 9, 2015

Ang debosyon ng mga Pinoy





                                               Ang debosyon ng mga Pinoy
                                                                 REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                                Jan. 9, 2015

Minsan pa, masasaksihan muli ng mundo ang matibay na pananampalataya ng mga Pilipino sa dala­wang malaking pagtitipon ng mga Katoliko -- ang Pista ng Itim na Nazareno at ang pagbisita ni Pope Francis.

Dahil inaasahan ng mga awtoridad na dadagsain ng napakaraming tao ang dalawang okasyon, todong paghahanda ang ginagawa ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, lalo na siyempre ang bumibisitang Santo Papa.

Kung tutuusin, mas magiging mahirap daw ang gagawing pagbabantay sa seguridad ng Santo Papa kung ikukumpara sa seguridad na ibinigay noon nang bumisita sa bansa si US President Barack Obama.

Hindi naman ito kataka-taka dahil si Obama, madalas na nasa isang secured na lugar lang habang nasa bansa kapag dumalo sa mga pagtitipon, habang si Pope Francis, magsasagawa ng misa sa open area at magtutungo sa mga mataong lugar.

Bukod diyan, sadya raw hindi alintana ng Santo Papa ang sariling kaligtasan basta ninais niyang pumunta o lumapit sa mga tao. Katwiran kasi niya, sa edad na niya ngayon ay wala na siyang dapat na ikatakot pa at ipinauubaya na niya sa nasa Itaas ang lahat. 

***

Kaya nga pati paggamit ng bullet proof na sasak­yan ay tinanggihan din daw ni Pope Francis. Kaya kung may taong may masamang balak sa Santo Papa at humalo sa sangkaterbang tao, aba’y Lord, ikaw na po ang bahala sa kanya at pati na sa a­ming Inangbayan.

Sa dami ng international press na susubaybay sa mga lakad ni Pope Francis habang nasa bansa, parang mahirap isipin kung ano ang maitatala sa kasaysayan­ sakaling madisgrasya ang popular at itinuturing “Rock Star” na Santo Papa sa Pilipinas...na tanging bansa sa Asya na Katoliko at ang mayorya ng populasyon ay Kristiyano.

Bagaman wala naman daw natatanggap na impormasyon ang mga awtoridad na banta sa buhay ng Santo Papa habang nasa bansa, hindi nais ng pamahalaan na magbakasakali. Kaya si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino iniutos na kung ano ang seguridad na ibinibigay sa kanya, doblehin ang seguridad na ibibigay kay Pope Francis.

Ngunit kahit kilala si Pope Francis na sadyang mahilig lumapit sa mga tao para magbasbas, sana ay may magbigay sa kanya ng impormasyon tungkol sa kakaiba at matinding debosyon ng mga Pinoy. Baka kasi maisipan niyang pumunta sa laksa ng mga tao at magbasbas e bigla siyang dumugin ng mga ito gaya ng ginagawa sa imahen ng Itim na Nazareno na dina­damba kapag nagprusisyon.

Sa ganitong sitwasyon, hindi lang ang seguridad at kaligtasan ng Santo Papa ang posibleng malagay sa ala­nganin kung hindi pati na rin ang mga tao na maaa­ring magtulakan at pagmulan ng stampede; insidente na tiyak hindi nais mangyari ng kahit sinuman at dapat maiwasan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: