Friday, June 13, 2014
Makabuluhang paggamit
Makabuluhang paggamit
Isang lalaki ang nadakip kamakailan ng mga awtoridad sa Maynila dahil sa reklamong pamboboso sa mga babae. Ang taktika ng lalaki, kukunan ng larawan o video ang kanyang biktima sa ilalim ng palda gamit ang cellphone camera at ia-upload pa niya sa internet. Isa itong klasikong halimbawa ng walang kwentang paggamit ng modernong teknolohiya.
Nakakalungkot na ang teknolohiyang magagamit sa mabuting paraan ay kinasangkapan sa kasamaan ng ilang indibidwal na baliko ang pag-iisip. Batay sa lumabas na mga ulat tungkol sa lalaki, nakursunadahan lang daw niya ang paninilip gamit ang cellphone dala na rin ng pagiging mahilig niya sa pornograpiya.
Aba’y mabuti na lamang at nasakote kaagad ang lalaking ito at baka mas malala pa ang gawin sa susunod lalo pa’t nasa edad 20’s pa lamang siya. Kaya naman dapat lang na nagkaroon na tayo ng batas na Anti-Voyeurism Law kung saan puwedeng mapanagot sa batas ang mga katulad ng lalaking ito na ginagamit ang modernong teknolohiya sa kabalbalan.
Pero kung may mga taong nakakaisip ng kalokohan gamit ang modernong teknolohiya, marami rin naman ang matitinong tao na nagpapagod at nagsusunog ng kilay at pilik-mata para makalikha ng kapaki-pakinabang na bagay gamit ang mga modernong teknolohiya.
Gaya na lang ng Project: Moses o Monitoring and Operating System for Emergency Services ng Department of Science and Technology (DOST), na naglalayong magamit ng lokal na pamahalaan ang computer tablet, software at internet bilang panlaban sa banta ng kalamidad tulad ng panahon ng tag-ulan.
Bilang pagtugon na rin sa direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na lumikha ng mga programa at proyekto na makapagliligtas sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan, nag-isip at lumikha ang masisipag at matatalinong tauhan ng DOST ng software application na makatutulong sa mga lokal na opisyal na mabigyan sila ng babala at paunang kaalaman sa posibleng nakaambang kalamidad katulad ng maaaring idulot ng malakas na ulan.
Batid ng administrasyon Aquino na lantad ang Pilipinas sa mga kalamidad tulad ng lindol at pagbaha kaya naman iniutos niya ang paggawa ng mga programa at proyekto na makatutulong na magsasalba ng buhay.
***
At bago ang paglabas ng MOSES, nauna nang nagawa ng DOST ang Project: NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards, na may kaugnayan naman sa paggamit din ng modernong teknolohiya upang matukoy ang mga lugar na peligroso sa mga kalamidad tulad ng pagguho ng lupa o flashflood.
Sa pamamagitan ng NOAH, natutukoy na ang mga lugar na hindi dapat tayuan ng mga bahay o istruktura, o mga lugar na mayroon nang nakatira at kailangang ilikas para mailayo sa kapahamakan. Kung dati ay puro lamang plano ang kanilang proyekto, ngayon ay nagkaroon na ito ng katuparan sa ilalim ng pamahalaang Aquino.
At kamakailan nga lang ay napili ng DOST ang lungsod ng Marikina na maging pilot testing area ng MOSES. Maganda ang pagkakapili sa Marikina dahil isa ito sa mga lugar sa Metro Manila na madalas malubog sa baha kapag may malakas na ulan.
Ipinamahagi ng DOST ang tinatawag na mga MOSES tablet sa ilang lider ng barangay para masuri ang bisa ng proyekto ngayong papalapit na ang panahon ng tag-ulan.
Hangad natin ang tagumpay ng ganitong mga hakbangin gamit ang modernong teknolohiya para makasagip ng mga buhay, at hindi iyong mga taong walang magawa sa buhay at mamiminsala ng buhay ng iba. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment