Baluktot na ipinaglalaban
REY MARFIL/Spy on the Job
Ilang mga
kababayan natin ang naabala nitong Huwebes nang mahirapan sila sa pagsakay sa
mga pampublikong sasakyan. Dahil ito sa ginawang welga ng ilang transport group
na tutol sa bagong patakaran na ipatutupad ng isang ahensya ng pamahalaan, na
kung tutuusin ay sila rin naman ang makikinabang.
Nagsagawa ng tigil-pasada ang ilang transport group bilang pagtutol daw nila sa bagong patakaran ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagtataas ng multa sa mga mahuhuling kolorum o iligal na mga sasakyang pumapasada at mga hindi rehistrado.
Sa totoo lang, hindi talaga biro ang bagong multa na iminungkahi ng LTFRB sa mga pasaway na motorista lalo na sa bus dahil tumataginting na P1 milyon ang babayaran ng operator na hindi susunod dito. Samantala, P50,000 naman ang multa sa mga kolorum na jeepney at P200,000 sa mga van na kadalasan na gamit sa shuttle service.
Ang tanong, sino ba ang makikinabang kapag nawala ang mga kolorum at hindi rehistradong mga sasakyan sa kalye? Hindi ba ang mga motoristang sumusunod sa batas at mga pampasaherong sasakyan na sumusunod din sa batas?
Kaya naman sa halip na makakuha ng simpatiya sa publiko ang mga nagwelgang transport operator, pinagdudahan pa ang tunay na pakay nila sa pagwewelga. Bakit nga naman hindi sila pagdududahan, parang lumalabas kasi na sadyang sila ang pasaway na hindi susunod sa bagong patakaran kaya ayaw nila ang mataas na multa.
Pero ang mga legal na bumibiyahe at may tamang prangkisa, nagrereklamo na nababawasan ang kanilang kita dahil sa naglipanang mga kolurum na pampasaherong sasakyan na umaagaw sa kanilang mga pasahero.
***
Bukod sa napagkakaitan ng kita ang mga legal na operator, dagdag na pasikip sa kalye ang mga kolorum na sasakyan. Hindi pa sila nagpaparehistro ng kanilang sasakyan kaya pinagkakaitan din nila ng kita ang gobyerno.
Liban diyan, nagdudulot din sila ng panganib sa mga pasahero dahil kung hindi sila rehistrado, madali silang makakagawa ng kalokohan at magiging mahirap sa mga awtoridad na matukoy sila dahil nga wala silang rekord.
Papaano mo matutukoy ang isang taxi o shuttle service kapag ginamit ang sasakyan sa krimen na peke ang prangkisa o tampered ang plaka? Iyan ay kabilang sa mga nais maiwasan ng LTFRB sa ipatutupad na bagong singil sa multa.
Maliit lang kasi ang multang umiiral ngayon kaya tila mani lang sa mga operator kapag nahuli sila. Pero kung itataas nga naman ang multa, tiyak na magdadalawang-isip na silang sumugal at bumiyahe.
Kaya mahirap ding tanggapin ang katwiran ng ilang nagprotesta na mas lantad sila sa mga mangongotong kapag itinaas ang multa. Simple lang naman ang sagot diyan, kung kolorum ka at hindi nakarehistro ang iyong sasakyan, huwag kang bumiyahe para hindi ka mahuli o makotongan.
Sa katwiran nila na mahirap daw na makakuha ng prangkisa ng sasakyan, dapat nilang isipin na sadyang may limitasyon ang ipinamimigay na prangkisa ng LTFRB lalo na sa mga lugar na sobrang dami na ng bumibiyahe at nagpapasikip na sa kalye. Kaya hindi dapat gawing katwiran na walang available na prangkisa kaya mabuting maging kolorum na lamang.
Pero dahil sa ginawang welga ng ilang transport group, mukhang magkakaroon ng mga bakanteng prangkisa. Dapat suriin ng LTFRB ang prangkisa ng mga nagwelga dahil paglabag iyon sa kanilang obligasyon na magsilbi sa mga mamamayan.
Kung kakikitaan ng basehan sa paglabag ang mga nagwelga, dapat lang na alisan sila ng prangkisa at ibigay ito sa mga karapat-dapat na transport group na handang magsilbi sa kanilang mga kababayan, at handang sumunod sa batas.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment