Wednesday, June 11, 2014
Protesta, mas maingay sa bomba
Protesta, mas maingay sa bomba
Ngayong linggo na ang selebrasyon ng Araw ng Kasarinlan o Independence Day ng Pilipinas. Kaya naman buhay na buhay ang pagiging makabayan ng ating mga kababayan lalo na ngayong mainit ang usapin sa ginagawang pambabarako ng China sa West Philippine Sea.
Dahil sa mga ulat na tila lalong nagiging agresibo ang China sa pag-angkin sa malaking bahagi ng WPS na tinatawag nilang South China Sea -- lalo na ang paglalagay ng oil rig sa bahaging inaangkin ng Vietnam -- marami sa mga kababayan natin ang gustong makakita ng pag-aksyon ng pamahalaang Aquino para kontrahin ang ginagawa ng China.
Pero ang aksiyon na tila nais na makita ng ilan nating kababayan ay direktang komprontasyon na tiyak na lalong magpapaypay ng apoy sa umiinit na tensyon sa rehiyong Asya. Bukod kasi sa Pilipinas at Vietnam, tumitindi na rin ang girian ng China at Japan dahil sa Senkaku islands sa East China Sea.
Kung tutuusin, matagal nang kumilos ang pamahalaang Aquino sa usaping ito ng pambabarako ng China. Hindi nga lang sa paraan na magdudulot ng pisikal na komprontasyon kundi sa paraang legal, makatwiran, at nararapat bilang isang bansa na kasapi ng nagkakaisang nasyon o United Nations (UN), kung saan kabilang din ang China.
Ngayon ay umuusad na ang isinampang reklamo ng Pilipinas laban sa ginagawa ng China sa Permanent Court of Arbitration na kinikilala mismo ng UN. Inatasan ng international court ang China na sagutin ang ating reklamo hanggang Disyembre 15.
Bagaman nagpahayag ang China na matigas ang kanilang posisyon na iisnabin ang petisyon natin sa UN, at nais nilang mag-one-on-one ang pag-uusap ng China at Pilipinas; ang tanong, sino ang magmumukhang wala sa lugar sa paningin ng mundo dahil sa kanilang desisyon?
***
Kamakailan lang ay nagpalabas na ng pahayag ang maimpluwensyang grupo ng pitong industrialized nations na tinatawag na G-7, kaugnay sa nangyayaring tensyon sa East at South China Sea.
Inihayag din ng mga lider ng G-7 na tutol sila sa anumang paggamit ng puwersa, panggigipit at dahas sa pag-angkin sa mga pinag-aagawang teritoryo. Nais nilang maresolba ang sigalot sa mapayapang paraan at naayon sa pandaigdigang batas.
Maging ang bansang Amerika at Australia ay nagbabala sa China sa ginagawang aksyon sa pinag-aagawang mga teritoryo na nagdudulot ng tensyon sa rehiyon.
Kahit pa may mga panibagong impormasyon tungkol sa pagkilos ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa karagatan, asahan na may ginagawang hakbang sa mapayapang paraan ang gobyerno ng Pilipinas para ipahayag at ipakita ang pagkontra nating mga Pilipino.
Ang mapayapang protesta na ginagawa ng Pilipinas laban sa pambabarako ng China ay higit pa ang epekto sa maingay na putok ng bomba dahil naipararating natin sa buong mundo kung anong uri ng liderato mayroon ang China.
Kung hindi man iniintindi at dinededma lang ng China ang ating mga diplomatikong protesta, problema na nila iyon. Darating ang panahon na kailangan nilang ipaliwanag sa mundo at marahil sa kanilang mga kababayan ang kanilang mga ginagawa ngayon.
May kasabihan na puwede namang malutas sa mabuting usapan ang mga hindi pagkakaunawaan. Kung mayroon mang gagamit ng puwersa at dahas sa pinagtatalunang mga teritoryo, hayaan nating hindi ito manggaling sa atin.
Pero tiyak na hindi magbubulag-bulagan ang pamahalaan ng Pilipinas at maging ang mundo kapag may dugong humalo sa dagat dahil lamang sa pansariling interes ng isang bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment