Wednesday, June 25, 2014

-Mga ‘bayani’ ng kanilang sining









                                        -Mga ‘bayani’ ng kanilang sining
                                          REY MARFIL/Spy on the Job



May mga nadisyama sa hindi pagkakasama ng Superstar na si Nora Aunor sa mga hinirang na National Artists ng bansa ngayong taon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino. Pero anuman ang dahilan kung bakit hindi nakasama si Aunor o Ate Guy sa listahan ng mga pambansang alagad ng sining ngayong 2014, tiyak na may balidong dahilan ang ating Pangulo.

Dahil sa pagkakalaglag ng pangalan ni Aunor sa listahan ng mga hinirang na national artists na inirekomenda ng National Commission on Culture and the Arts at ng Cultural Center of the Philippines, may ilang kritiko ang nagsasabing parang naulit daw ang nangyari noong 2009 na umabot sa Korte Suprema ang listahan ng mga idineklarang national artists ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ngunit sa totoo lang, malayung-malayo ang sitwasyon ngayon sa hinirang ni Aquino kumpara sa ginawa noon ni Mrs. Arroyo.

Sa panahon ni Aquino, inayunan niya at hinirang na national artists ang mga kapwa nominado ni Aunor na sina Alice Reyes (dance); Francisco Coching (visual arts); Cirilo Bautista (literature); Francisco Feliciano (music); Ramon Santos (music) at Jose Maria Zaragoza (architecture, design and allied arts).

Habang sa panahon ni Mrs. Arroyo, hindi lang niya binalewala ang listahan na inirekomenda ng NCCA at CCP, nagsingit pa siya ng sarili niyang mga rekomendado na kanyang hinirang na national artists, na kalaunan ay ibinasura ng Korte Suprema.

***

Sa hindi pagkakasama ng pangalan ni Aunor sa bagong listahan ng prestihiyosong national artists, may naglabasang mga espekulasyon tungkol sa posibleng dahilan kung bakit hindi inaprubahan ni PNoy ang pangalan ng batikang aktres.

Kabilang sa mga isyung lumabas, ayon sa mga kuwento ng tsismosong si Mang Kanor -- ang kinakaharap na kasong paggamit ng iligal na droga noon ni Aunor.

Ang hirit naman ni Mang Gusting: Bagaman “pinawalang-sala” ng korte sa US si Aunor, nangyari ito dahil sa pagsunod niyang sumailalim sa ilang buwang rehabilitasyon. Kaya hindi tamang sabihin na “na­absuwelto” naman si Ate Guy sa isyu ng droga sa Amerika kaya hindi iyon dapat gamiting katwiran para hindi siya ideklarang national artist.

Ngunit sa totoo lang, walang dahilan na sinabi ang Palasyo kung bakit hindi nakasama si Aunor ng anim na bagong hinirang na national artists. Basta ang paliwanag ng Malacañang, ginamit ni PNoy ang nakasaad sa batas na may kapangyarihan ang Pangulo na tanggihan ang ini­rekomenda ng NCCA at CCP -- at hindi siya obligadong magbigay ng paliwanag.

Bagaman may ilang tagasuporta ng aktres at maging mga miron siguro ang naiintrigang malaman ang dahilan ni PNoy para hindi ibigay kay Aunor ang pagkilala bilang pambansang alagad ng sining -- ang malaking katanungan, handa ba sila o tayo na malaman kung anuman ito? Makatutulong ba o makasasama lang para sa aktres kung anuman ang posibleng dahilan na iyon?

Bilang national artist, hindi lang ang mga nagawa nila at naiambag nila sa kanilang larangan ng sining ang dapat na tingnan, kundi pati ang magiging kontribusyon nila para magsilbing mabuting ehemplo sa mga tao. Aba’y hindi basta-basta ang pagkilala at biyayang makukuha ng isang national artist dahil sila ang magsisilbing “bayani” ng sining na kanilang kinabibilangan.

Bata pa naman at malakas pa si Ate Guy, marahil kung hindi man ito ang panahon, darating din ang takdang araw na makakahilera na niya ang mga kapwa artistang naging national artists gaya nina Dolphy at ‘Da King’ Fernando Poe Jr.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: