Monday, June 16, 2014

Mga tagapagmana ng kalayaan



                                                          Mga tagapagmana ng kalayaan  
                                                                         REY MARFIL

May nabubuhay pa kayang Pinoy na ang edad ay higit sa 116? Kung wala na, tayo na talaga ang henerasyon ng mga Pilipino na tagapagmana ng kalayaan na ipinaglaban at ipinagbuwis ng buhay ng ating mga dakilang bayani, mga kawal at mga makabayang kababayan.

Sa internet, lumilitaw na 111-anyos ang edad ng nabuhay na pinakamatandang beterano ng ikalawang pandaigdigang digmaan. Ang iba naman ay may edad na 106 at 104 na kapwa rin WWII veterans, panahon ng pakikidigma ng Pilipinas sa Japan.

Pero wala na yatang nabubuhay na beterano na nakidigma sa mga Kastila o Amerikano, o kahit man lang isinilang nang mga panahon na iyon para maikuwento ang mga naalaala niya sa kabanata ng ating bayan na hindi pa malaya sa kamay ng dayuhan. Panahon na de-numero ang galaw ng mga Pilipino at walang pagkakakilanlan bilang isang nasyon.

Ngunit ang lahat ng iyon ay 116-taon na ang nakararaan. Salamat sa ating mga ninuno na hindi nawalan ng pag-asa at patuloy na ipinaglaban ang kalayaan ng Pilipinas -- sa marahas man o mapayapang paraan. Ngayon, tayo’y bansang malaya na, at kilala sa buong mundo bilang mga Pilipino.

Kung wala na ang mga ninuno natin na nakipaglaban noon sa mga Kastila at Amerikano, nandiyan pa ang mga beterano nating nakatatanda at mga sibilyan na nakipaglaban sa mga Hapon noong WWII.
Pero tiyak na iilan na lamang sila. At habang sila’y nabubuhay pa, dapat ipakita natin ang pasasalamat sa kanilang kabayanihan.

Mahalaga rin na maitala ang kanilang mga kuwento sa mga pangyayari upang mabigyan tayong mga tagapagmana ng kalayaan ng sapat na kaalaman sa kanilang kasaysa­yan; tungkol sa mga hirap na kanilang pinagdaanan sa panahon ng digmaan, mga karahasan na nasaksihan, at pati ­siyempre ang kanilang tagumpay.

Paglingon ito sa nakaraan at magagamit ng ating mga lider ang mga kuwento nila bilang gabay ng kanilang mga desisyon sa hinaharap.

***

Tayong mga nabubuhay ngayon at masasabing tagapagmana ng kalayaan, obligasyon naman natin na hindi lang pangalagaan ang ating kasarinlan, kundi pagyabungin din ito. Ito’y sa paraan ng pagiging mabuting mamamayan, at tagapagbantay laban sa mga opisyal na gumagawa ng katiwalian at nagsasamantala sa tinatamasa nating kalayaan.

Hindi naman porke’t malaya na tayo ay malaya na ring makakapagbulsa ng pondo ng bayan ang ilang tiwaling namumuno sa ating bayan. Sabi nga ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang talumpati sa Independence Day celebration sa Naga City, “Mulat po ang lahat: Hindi nangyari sa isang tulugan lang ang katuparan ng mithiin ng ating mga bayani.

“Bunga ito ng pagbangon mula sa kabiguan at pagsubok, at ng sakripisyo at pag-aambagan ng napakaraming tao, na pinagbuklod ng nag-iisang layunin: Ang mabuhay nang marangal at malaya sa pang-aapi.”

Kaya naman ang pagbabantay sa ating kalayaan ay hindi lang dapat tingnan sa aspeto ng mga dayuhang nahahalina sa ating bayan; dapat ding maging mapagmatyag sa mga kapwa nating Pilipino na magiging banta sa ating demokrasya. Kung walang demokrasya, walang kalayaan.

Sa panahong ito ng kalayaan, ang tinig natin at kapangyarihang maghalal ng mga lider ang sandata natin laban sa mga magiging banta sa demokrasya at kaunlaran ng ating bayan. Tungkulin at obligasyon natin iyan sa ating mga ninuno bilang mga tagapagmana ng ipinaglaban nilang kalayaan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: