Friday, June 6, 2014
Kalma lang tayo
Kalma lang tayo
Sumiklab na ang kaguluhan sa ilang bahagi ng Vietnam nitong mga nagdaang araw na sinasabing “protesta” laban sa China kaugnay ng paglalagay nito ng deep-sea oil rig sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine o South China Sea.
Kung sa umpisa ay bombahan lang ng tubig at banggaan ng mga barko ang komprontasyon ng China at Vietnam, kamakailan ay iniulat na na may mga nasawi at nasaktan sa naganap na mga protest riot sa lalawigan ng Ha Tinh sa Vietnam na sinasabing mga Chinese na nandoon ang target.
Dahil sa nangyayaring karahasan laban sa mga Chinese na pinaniniwalaang nag-ugat sa paglalagay ng oil rig ng China sa karagatang inaangkin ng Vietnam, at insidente ng sadyang pagbangga ng Chinese boat sa mga Vietnamese vessel -- maraming Tsino na ang umalis ng Vietnam para makaiwas sa galit ng mga tao doon.
Sa mga lumabas na ulat, sinabing may mga karahasan ding naitala sa industrial zone sa lalawigan ng Bohn Duong at Dong Nai sa Vietnam. Mahigit 400 kompanya raw sa lugar ang napinsala sa nangyaring kaguluhan.
Ang nakakalungkot dito, kung tutuusin ay wala namang kinalaman ang mga Chinese na nasa Vietnam sa ginagawang pambabarako ng kanilang gobyerno sa West Philippine o South China Sea.
Malamang na nandoon sila sa Vietnam para maghanapbuhay. Pero ngayon ay mapipilitan silang iwan ang kanilang pinagkakakitaan at malalagay na sa peligro ang kanilang kinabukasan.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng komprontasyon ang dalawang nabanggit na bansa. Noong 1979 ay nagbakbakan na sila dahil sa usapin ng agawan sa hangganan ng teritoryo sa kalupaan o boarder issue.
Muli silang nagbakbakan noong 1988 sa pag-angkin sa John South reef (na tinatawag nating Mabini reef) na bahagi ng West Philippine o South China Sea. Nasa 64 sundalo ng Vietnam ang nasawi sa komprontasyon nila sa China dahil sa pagpapatrolya sa nasabing reef noon.
Kasama ang ating bansang Pilipinas sa mga umaangkin sa John South reef o Mabini reef dahil pasok ito sa 200 nautical mile exclusive economic zone ng ating teritoryo. Ang kaso, kung naglalagay ang China ng oil rig sa bahaging pinapalagay ng Vietnam, pinakialaman at nagsasagawa naman ng reclamation o pinapalaki naman ng China ang Mabini reef.
***
Batay sa mga kuha ng larawan na nakuha ng Department of Foreign Affairs (DFA), tila naglalagay pa ngayon ng airstrip o lapagan at liparan ng eroplano sa Mabini reef. In short, talagang inangkin na ng China ang nabanggit na lugar at binalewala na ang nilagdaan nilang Declaration of Code of Conduct Of Parties in the South China Sea (DOC).
Ano ba ang DOC? Kasunduan ito ng mga bansang may inaangking bahagi sa West Philippine o South China Sea na pinirmahan noong 2002. Kasama sa mga pumirma ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei at China. Layunin ng kasunduan na walang sinoman sa mga bansang ito ang gagawa ng hakbang sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan para maiwasan na magkaroon ng tensiyon sa rehiyon.
Pero sa nangyayari ngayon, sino ang lumabag sa kasunduan at nagpapainit ng tensiyon sa rehiyon?
Sa harap ng nangyayaring protesta ng mga Vietnamese laban sa China, nagpahayag naman ang pamahalaang Aquino na itutuloy ang posisyon nito na resolbahin sa mapayapang paraan ang usapin nito sa China sa pamamagitan ng idinulog na protesta ng Pilipinas sa United Nations.
Tiyak na marami sa ating mga kababayang Pinoy ang gigil na sa ginagawa ng China at humahanga sa ginagawang protesta ng Vietnam. Pero manatili lamang tayong kalmado at hintayin nating pairalin ng mundo sa pamamagitan ng UN ang iginagalang nating “rule of law”.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment