Friday, June 27, 2014
Kontrolado!
Kontrolado!
Magandang balita para sa mga batang mag-aaral ang ipapatupad na P1 bilyong “feeding program” ng administrasyong Aquino upang sugpuin ang malnutrisyon sa bansa.
Pangungunahan ang implementasyon ng programa ng National Nutrition Council na nasa ilalim ng Department of Health (DOH).
Makakatuwang sa pagpapatupad ng programa ang Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology (DOST), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG) at Commission on Higher Education (CHED).
Pangunahing pagkain sa programa ang tinatawag na malunggay recipe na ibibigay nang libre sa mga mag-aaral.
Kasama rin sa programa ang pagkakaloob ng alituntunin sa mga kantina sa eskwelahan kaugnay sa mga pagkaing mayaman sa nutrisyon na dapat na ibenta.
Bawal na bawal na ngayon ang pagbebenta ng junk foods at tanging ang mga mayayaman sa nutrisyon katulad ng prutas at gulay na mga pagkain ang papayagang ihain sa mga mag-aaral.
Hindi pa kasama sa programang ito ang “supplementary feeding program” ng DSWD at hiwalay pang katulad na programa ng lokal na pamahalaan katuwang ang mga pribadong grupo at korporasyon.
Batid ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang kahalagahan na manatiling busog ang mga bata upang lalong mas maging aktibo at makapag-isip sa kanilang mga aralin.
***
Isa pang magan
dang balita sa mga magsasaka ng niyog ang kautusan ni PNoy na nagdeklara ng emergency para kontrolin ang pesteng sumisira sa mga niyog sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon (Calabarzon).
Siguradong malaki ang maitutulong ng kautusan ng Pangulo upang tugunan ang problemang kinakaharap ng ating mga kababayang nagtatanim ng niyog na nalalagay sa alanganin ang kanilang kabuhayan.
Inilabas ng Pangulo ang Executive Order (EO) No. 169 para maglatag ng emergency na mga hakbang upang kontrolin at puksain ang pesteng Aspidiotus Rigidus na sumisira sa mga niyog.
Pangunahing ahensya ang Philippine Coconut Authority (PCA) sa pagkakaloob ng tulong sa apektadong mga magsasaka.
Sa ilalim ng EO, nasa mandato ng PCA ang pagtukoy sa mga lugar na sinalanta ng peste at makapagbigay ng solusyon sa problema.
Kabilang sa mga ayuda ang pagkakaloob ng mechanical, chemical at biological na suporta para magamot ang nasisirang mga niyog at maiwasan pa ang kontaminasyon.
Awtorisado ang PCA na magkaloob ng permiso sa pagbiyahe ng coconut planting materials mula sa isang lokasyon patungo sa ibang mga lugar. Kukumpiskahin naman ng kinauukulan ang mga materyales na ilegal na ibiniyahe at papatawan ng multang P5,000 ang sinomang lalabag.
Magiging katuwang naman ang mga lokal na pamahalaan lalung-lalo na ang mga boluntaryo sa mga barangay para sa mabilis na pagsugpo sa peste katulad ng pagpapakalat ng impormasyon sa tamang pagharap sa krisis.
Manggagaling naman ang pondo sa PCA para ipatupad ang mga programang makakagaan sa pinapasang suliranin ng mga nagtatanim ng niyog.
Isang insekto ang Aspidiotus Rigidus na sumisira sa dahon ng niyog na nakakaapekto sa magiging bunga.
Kitang-kita kung papaano pinapahalagahan ng Pangulo ang interes ng niyugan sa bansa at ayaw na niyang kumalat pa ang problema sa ibang mga lugar lalo’t kilala ang Pilipinas bilang nangungunang supplier ng mga produkto ng niyog sa buong mundo.
Nakakasiguro tayong ginagawa ni Pangulong Aquino ang lahat ng makakaya nito para protektahan ang kagalingan at interes ng mga magniniyog.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment