Wednesday, June 4, 2014

Positibong pananaw sa silid-aralan



                                                        Positibong pananaw sa silid-aralan  
                                                                       Rey Marfil

Pasukan na naman. At gaya ng mga nagdaang taon, kaliwa’t kanang mga problema ang nagsusulputan, gaya na lamang ng mga kakulangan sa mga silid-aralan. Pero problema lang ba talaga ang dulot nito o may positibong epekto na hindi lang masyadong napapansin?

Bago manalasa noong Nobyembre 2013 ang super-­typhoon na si ‘Yolanda’, naibalita na ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at ng Department of Education na na­tugunan na ng pamahalaan ang malaking kakulangan sa mga silid-­aralan na ipinamana ng pinalitan niyang administrasyon.

Dahil sa maayos na paggastos sa pondo ng bayan bu­nga ng platapormang “daang matuwid”, nakapaglaan ng sapat na pondo ang pamahalaang Aquino para mabura ang 66,800 classroom backlog na iniwan umano ng nakaraang administrasyon.

Pero ngayong pasukan, muling bumandera ang balita sa kakulangan ng mga classroom sa mga pampublikong pa­aralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Pero kung tutuusin, hindi kapabayaan ng pamahalaang Aquino ang dahilan ng problema sa kakulangan ng mga silid-aralan nga­yong pasukan.

Maliban kasi sa mga paaralan sa elementarya, may ka­kulangan din ng silid-aralan sa mga sekondarya o high school, pati na sa mga kolehiyo partikular sa mga state universities. Ang dahilan ng problemang ito, epekto ng pinsala ni Yolanda sa mga winasiwas sa mga lalawigan, giniba ng lindol sa Cebu at Bohol, at doon sa mga hindi tinamaan ng kalamidad, ang patuloy na paglobo ng populasyon.

Ang isyu ng pagdami ng mga ipinapanganak ang isa sa mga dahilan kaya sinuportahan ng pamahalaan ang Re­productive Health Law -- para sa responsableng pagpa­pamilya.

Ngunit maliban sa isyu ng paglobo ng populasyon, ang isa marahil sa mga dahilan ng kakulangan ng silid-aralan ay ang pagdami ng mga kabataan na nais mag-aral at ma­tuto sa paaralan sa halip na maging laman ng kalye. Hindi ba ma­gandang pananaw ito?

***

Wala pang sapat na pag-aaralan pero magandang ma­laman sana kung patuloy na dumadami ang ating mga ka­bataan na nais mag-aral, o kaya naman ay mas marami ang mga magulang na nais na nasa eskwelahan ang kanilang mga anak.

Hindi gaya noon na napipilitan ang mga magulang pa­tigilin sa pag-aaral ang kanilang mga anak dahil sa ka­hirapan o kaya naman naoobliga ang mga anak na tumigil sa pag-aaral para makatulong sa paghahanapbuhay.

Maganda rin sigurong magkaroon ng pag-aaral at ma­laman kung ang pagdami ng mga kabataan na nais na mag-aral at manatili sa mga paaralan ay epekto, o dulot ng progra­mang pantawid pamilya program ng pamahalaan.

Umpisa pa lang naman kasi ng pamamahala ni PNoy, naging malinaw na ang hangarin niya na maglaan ng puhunan sa edukasyon at karunungan ng mga bata. Pangunahin at nananatiling may pinakamalaking bahagi ng taunang budget ng pamahalaang Aquino ang edukasyon, at mana­natili ito -- hindi lang dahil sa itinatakda ito ng batas kundi sadyang nais ni PNoy na maingat ang kalidad ng edukasyon ng bansa at makapag-aral ang lahat ng kabataang Pinoy.

Isang patunay dito ang pagpapalabas ng karagdagang P7.3 bilyon sa Department of Public Works and Highways para sa pagpapagawa ng karagdagan pang mga silid-­aralan sa e­lementarya at high school sa buong bansa. Ang pondo ay bahagi ng Department of Education para sa pagta­taya ng 7,136 classrooms (5,916 silid-­aralan para sa elementary schools at 1,220 sa high school) sa 4,007 iba’t ibang lugar sa bansa.

Bukod pa diyan, iniutos din ni PNoy ang pagpapalabas ng karagdagang P1 bilyon para naman sa pagpapagawa at pagkumpuni ng state universities and colleges (SUCs) na umaabot sa 35 na napinsala rin ng mga kalamidad.

Patunay ito na sa kabila ng mga ingay sa pulitika at iba’t ibang usapin na kinakaharap ng pamahalaan ay hindi naka­kalimutan at napapabayaan ng administrasyong Aquino ang kahalagahan ng edukasyon para sa mga kabataan na pag-asa ng bayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: