Friday, June 20, 2014
Ginagawa ang lahat
Ginagawa ang lahat
Magandang balita ang kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na aprubahan ang pagpapalabas ng P1.9 bilyong pondo para suportahan ang mga programa sa rehabilitasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education (DepEd) para sa mga biktima ng super typhoon Yolanda at lindol sa Bohol.
Sa pamamagitan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., iniutos ni PNoy sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng pondo - P1 bilyon sa DepEd at P912 milyon sa DSWD.
Batid kasi ni PNoy ang kahalagahan na magtuluy-tuloy ang tulong at ayuda sa mga nabiktima ng kalamidad hanggang makabangon ang mga ito.
Gagamitin ng DepEd ang P1 bilyon sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng 2,800 silid-aralan sa 771 pampublikong mga eskwelahan na sinira ng Yolanda sa mga munisipalidad ng Eastern at Western Visayas.
Ilalaan naman ng DSWD ang P912 milyon para sa ayuda sa pabahay ng 42,771 pamilya mula sa 17 munisipalidad sa Bohol matapos masira ang kanilang mga tahanan dahil sa malakas na lindol.
Kukunin ang P1.9 bilyon sa Rehabilitation and Reconstruction Program Fund sa ilalim ng 2014 General Appropriations Act. Matatandaang binayo ng Yolanda ang Eastern Visayas at mga parte ng Western at Central Visayas noong Nobyembre 8, 2013. At napaka-agresibo ni Sec. Ping Lacson na maisakatuparan ang rehabilitasyon bago magtapos ang taong 2016.
Ayon sa datos ng US Agency for International Development fact sheet, umabot sa 6,300-katao sa bansa ang namatay sa pananalasa ng bagyong Yolanda na naglagay sa alanganin sa buhay ng 4.1 milyong katao, at sumira sa 1.1 milyong mga bahay. Lubhang napakalaki nga ng bilang ng mga nabiktima ng bagyo kung saan 16 milyong Filipino ang naapektuhan.
Sa pangkalahatan, tinatayang 3.2 milyong Filipino ang naapektuhan. Sa tulong ng matuwid na daang kampanya ni PNoy, asahan na nating mas magiging mabilis ang pagtugon ng kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan para sa pangangailangan ng mga nasalanta.
Kitang-kita naman na hindi nagpapabaya ang pamahalaang Aquino sa pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kababayang naapektuhan ng serye ng mga trahedya sa bansa.
***
Napag-usapan ang good news, maganda ang panukala ni Quezon City Rep. Winston “Winnie” Castelo sa Kongreso na pagyamanin ang posibilidad na lumago pa ang ekonomiya ng Pilipinas sa trilyon-dolyar sa susunod na isa at kalahating dekada.
Pinapatutukan ni Castelo, kasapi ng Liberal Party (LP), sa pamamagitan ng kanyang House Resolution (HR) No. 112 ang magandang arangkada ng ekonomiya na siguradong pakikinabangan ng maraming mga Filipino dahil sa patuloy na pag-igting ng daang matuwid ni PNoy.
Hinihiling ng resolusyon ni Castelo sa House committee on economic affairs na masusing pag-aralan ang pagtayang ginawa ng Institute for Humanist Studies (IHS), isang United States-based think tank, na nakita ang ekonomiya ng Pilipinas na lalago sa trilyon-dolyar kung maipagpapatuloy ang mga repormang naisagawa ni PNoy.
Kaya importanteng hindi tiwali ang papalit na lider ng bansa upang hindi mawalan ng saysay ang magandang nasimulan ni Pangulong Aquino.
Hindi na rin nakakapagtaka na makamit ng bansa ang nakitang positibong bagay ng IHS sa ekonomiya ng Pilipinas lalo’t umaarangkada ang mga programa sa reporma ni PNoy. Nakita ng IHS na magiging triple ang ekonomiya ng bansa sa 2030 lalo’t kinilala itong isa sa pinakamahusay noong nakalipas na taon.
Naniniwala rin tayo sa IHS na aabot ang gross domestic product (GDP) ng bansa mula sa kasalukuyang $280 bilyon patungong $680 bilyon sa 2024. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment