Monday, December 9, 2013

Pinatindi pa!




Pinatindi pa!
REY MARFIL



Pinatindi pa ng MalacaƱang ang ayuda sa mga biktima ng bagyong Yolanda na nawalan ng tirahan, isang paniniyak na laging nasa tabi ng mga ito ang pamahalaan para umalalay.

Magandang balita ang pahayag ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio ­“Sonny” Coloma Jr. na kabilang sa tulong ang tinatawag na pansamantalang pagkupkop sa mga pamilyang tumakas sa kanilang lugar patungong Metro Manila.

Sa ngayon, nagtutulung-tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Health (DOH), at Philippine Air Force, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine Information Agency (PIA), at local government units para makipagtrabaho sa mga pribadong grupo at non-government organizations upang saklolohan ang internally displaced persons (IDPs).

Kamakailan, inilunsad ng DSWD ang proyektong adopt o host a family sa Metro Manila para masaklolohan ang mga residenteng nawalan ng tirahan sa kanilang mga lugar sa Eastern Visayas.
Lumabas sa datos ng DSWD na 4,352 pamilya o 18,016 katao ang nagpunta sa Metro Manila mula Samar at Leyte sakay ng C-130 planes o nagbiyahe sa mga bus ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) mula Nobyembre 16 hanggang 29.

Sa nasabing bilang, 3,042 pamilya o 2,932 katao ang natulungan sa pamamagitan ng Oplan Hatid ng pamahalaan habang nanatili naman ang iba sa tent city sa Pasay City o mga ospital sa Metro Manila.
Inaalagaan rin ang iba ng non-government organizations o local government units.

Kailangang samahan ng sambayanang Filipino ang pamahalaan upang patuloy na tulungan ang mga biktima ni Yolanda gamit ang espiritu ng bayanihan.

***

Hindi ba’t kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino para sa karagdagang tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa porma ng pinansiyal na ayuda para muling makabangon.

Ipinalabas rin ni Pangulong Aquino ang Memorandum Circular #59 na nag-aatas sa government financial institutions (GFIs) na pansamantalang hindi singilin sa loob ng anim na buwan ang mga biktima ng bagyo kaugnay sa kanilang pagkakautang na libre sa anumang interes.

Nilagdaan ang circular noong Nobyembre 26 at kabilang sa inatasang GFIs at government-owned and controlled-corporations (GOCCs) ang Landbank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP); Government Service and Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), National Home Mortgage Finance Corporation (PAG-IBIG), People’s Credit and Finance Corporation (PCFC), Philippine Postal Savings Bank (PPSB), Philippine Retirement Authority, Quedan and Rural Credit Guarantee Corporation (QUEDANCOR), at United Coconut Planters Bank (UCPB).

Bago pa man magdatingan ang mga pinansiyal na tulong at iba pang porma ng ayuda sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda, inilatag na ng pamahalaan ang mga programa para sa mabilis na rehabilitasyon at pagbangon ng mga apektadong lalawigan.

Kabilang sa mga ahensya ng pamahalaan na nangunguna sa rehabilitasyon ang Departments of Public Works and Highways, Energy, and Education para maibalik ang nasirang mga pangunahing imprastraktura habang maigting na pinagtutulungan ng Departments of National Defense at Social Welfare and Development ang relief at retrieval operations.

Kitang-kita naman ang pagdamay ng administrasyong Aquino sa mga nasalanta sa pamamagitan ng pagtiyak na naibibigay sa mga ito ang kanilang mga pangangailangan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: