Epekto ng kalinisan!
Magandang balita na halos makukumpleto na ang P130 bilyong kakailanganin ng Pilipinas para sa rehabilitasyon ng nasirang mga komunidad sa rehiyon ng Visayas sa tulong ng Japan, World Bank, Asian Development Bank at iba pang mga institusyon.
Sa kanyang mensahe matapos makabalik ng bansa, ibinalita ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na itinaas ng pamahalaang Japan ang pondong maaaring mahiram ng Pilipinas mula $100 milyon tungong $500 milyon.
Nanggaling sa Japan ang Pangulo kung saan dumalo ito sa ASEAN-Japan Commemorative Summit at iba pang mga aktibidad. Isa ang pamahalaang Japan sa pangunahing donors ng bansa sa usapin ng relief at recovery efforts.
Bago pa man tumulak sa Japan ang Pangulo, nagkaloob na ang pamahalaang Japan ng $50 milyong tulong sa Pilipinas, isang patunay kung gaano kalalim ang relasyon ng dalawa (2) kahit naging mapait ang pagsisimula matapos umusbong ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Matapos makipagpulong si Pangulong Aquino kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe, nabatid na magkakaloob pa ang Japan ng karagdagang $66 milyong tulong para mabilis na makabangon ang nasalantang mga lugar.
Bukod sa pamahalaang Japan, nangako rin ng tulong ang iba’t ibang mga kompanya sa Japan para sa mga nasalanta ng bagyo. Kilala ang Japan sa mga modernong kagamitan -- ito’y nasaksihan ng mga Pinoy sa isinagawang search and rescue operation o medical effort.
Kitang-kita na ginagawa ni PNoy ang lahat ng makakaya nito para sa mabilis na pagbangon ng nasalantang mga lugar at lalo pang nagbigay pag-asa sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda ang pagtalaga kay Secretary Ping Lacson bilang Rehabilitation czar. Ibig sabihin, hindi lamang pagbangon ang kailangang gawin sa Leyte at Samar kundi ihulma ang pagkakaroon ng disiplina ng mga opisyal -- isang karakter na nasa dugo ni Sec. Ping!
Hindi rin naman uulan ng tulong sa bansa kung hindi nakita ng donors ang malinis na pamamahala ni PNoy kaya’t sakto ang pagkakatalaga kay Secretary Lacson bilang Rehab czar na kilalang malinis ang reputasyon sa paghawak ng pera, katulad ng Pangulo.
***
Napag-usapan ang Japan, nakatanggap si PNoy ng honorary doctoral law degree sa Sophia University sa kanyang pagbisita sa Japan kung saan dumalo ito sa ASEAN-Japan Commemorative Summit.
Sa kanyang commemorative lecture, ibinalik-tanaw ni PNoy ang buhay ni Jesuit priest Horacio dela Costa, huling Filipino na nakatanggap ng honorary doctorate mula Sophia University noong 1973 at nagsilbing inspirasyon sa Pangulo at kanyang yumaong amang si Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr.
Tiniyak ng Pangulo ang kanyang obligasyon at panata na patuloy na tutulungan ang kanyang bansa tungo sa daan para makamit ang sosyal na hustisya at progresong pang-ekonomiya.
Inihayag rin ng Pangulo sa kanyang talumpati doon ang magandang nagawa ng kanyang pamahalaan laban sa katiwalian at pagsusulong ng mga programa sa pagkakaroon ng transparency.
Mismong si Sophia University president Tadashi Takizawa ang nagkaloob kay Pangulong Aquino ng Honorary Doctorate Degree.
Pinuri ni Takizawa si PNoy dahil sa malaking tagumpay na nagawa nito sa nakalipas na tatlo at kalahating taon para maisulong ang malinis na pamamahala na nagresulta sa magandang ekonomiya.
Nagpasalamat rin ito sa Pangulo dahil sa suporta at tulong na ibinigay ng Pilipinas nang bayuhin ang Japan ng tsunami noong 2011.
Binati rin ni Chancellor Toshiaki Koso si Pangulong Aquino na nagsabing pambihirang karangalan sa unibersidad na maigawad ang honorary doctorate dito matapos maipatupad ang mga politikal na reporma.
Nakatanggap rin si PNoy ng commemorative token mula sa mga mag-aaral ng Sophia University.
Isang Jesuit na educational institution ang Sophia University na may kasunduan sa ibang Jesuit universities, kabilang ang Ateneo de Manila University o alma mater ni Pangulong Aquino. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment