Friday, December 20, 2013

‘Pakuryente’





‘Pakuryente’
Rey Marfil

Habang abala ang pamahalaang Aquino sa pagkilos para maibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na sinalanta ni “Yolanda” bago mag-Pasko, mayroon namang iba na tila abala sa pagkakalat ng mga “kuryenteng” impormasyon tungkol sa usapin ng power rate hike.

Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, walang pahinga ang sangay ni Energy Secretary Jericho Petilla sa pagtatrabaho upang maibalik ang suplay ng kuryente at mailawan ang mga lugar na sinalanta ng bagyo sa mga lugar sa Visayas region.

Nakita naman natin ang pinsalang idinulot ni “Yolanda” na mistulang toothpick na itinumba ang mga poste at pinag­laruan ang mga naglalakihang tower.
Ang paglalagay ng suplay ng kuryente sa maraming lugar na dinaanan ng bagyo na taon ang ginugol, nawasak sa loob lang ng magdamag, at pinagsisikapan na maibalik sa loob ng ilang linggo o buwan.

At habang abala si Sec. Petilla na maisakatuparan ang kautusan ni PNoy na bigyan ng liwanag ang mga lugar na binagyo bago mag-Pasko, nasabayan naman ito ng napa­kataas na pagtaas ng singil ng kuryente.
Ang dahilan daw ng po­wer rate hike ay bunga ng pagsasara ng mga power generation company para isailalim sa maintenance. 

Tanong ng mga kurimaw: bakit naman nagkasabay-sabay? Nagkaroon ba ng sabwatan? Tama ba ang presyo ng price hike? Mga tanong na iniutos din ni PNoy kay Sec. Petilla na alamin.

Dahil inaprubahan ng Energy Regulation Commission (ERC) na pinamumunuan ni dating Pampanga Rep. Zenaida Ducut ang utay-utay na power rate hike na mahigit P4 per kilowatt hour, tuloy ang high blood ng mga tao dahil sa mataas na bayarin sa kuryente.

Para sa kaalaman ng publiko, si Ducut ay naitalaga sa ERC sa ilalim ng administrasyon ng kanyang “kabalen” na si dating Pangulong Gloria Arroyo.
At dahil naka-fixed ang term ng pinuno ng ERC na isang “independent body” alinsunod sa batas, hindi siya basta-basta mapapaalis sa posisyon maliban na lamang kung kusang magbibitiw.

Mainit ngayon sa mata ng publiko si Ducut dahil bukod sa power rate hike, nasasabit din siya sa kontrobersyal na pork barrel scam o PDAF scam ng mga mambabatas.
Batay sa akusasyon ng whistleblower na si Benhur Luy, nakakakuha ng komisyon sa kanila si Ducut sa bawat maisasarang kontrata sa PDAF project noong hindi pa ito naitatalaga ni Mrs. Arroyo sa ERC.

***

Kung susuriin, matagal nang nakalagay ang pangalan ni Ducut sa mga akusado sa PDAF scam pero hindi nabibigyan ng lubos na pansin. Ngunit dahil sa inaprubahan nilang power rate increase, mistulang pati siya e “nakuryente” dahil natuon na sa kanya ang atensyon ng media at publiko.

Kasabay ng panawagan ng ilang mambabatas na magbitiw si Ducut, mayroon ding nanawagan kay PNoy na gamitin ang Malampaya funds para daw mabawasan ang matinding epekto ng power rate increase. Hindi raw dapat magpatumpik-tumpik pa ang gobyernong Aquino sa paggamit ng Malampaya funds.

Maganda sana ang mungkahi na gamitin ang Malampaya funds pero tila nakalimutan nila na mayroong ipinalabas na desisyon ang Korte Suprema kamakailan lang na nagsa­sabing maaari lamang gamitin ang naturang pondo sa pagtuklas ng mga bagong pagkukunan ng enerhiya at wala nang iba.

Kung seryoso ang mambabatas na magamit ang Malampaya funds at hindi lang nagpapogi at magkalat ng kur­yenteng impormasyon sa publiko, bakit hindi na lang sila maghain ng panukalang batas para amyendahan ang kasalukuyang batas na nagtatakda kung saan lang dapat gamitin ang Malampaya funds. 
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: