Di masisisi ang sarili | |
Nakahanap ng masisisi si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa delubyong nangyari sa kanyang lungsod sa pagtama ng bagyong “Yolanda” na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa 2,000 niyang kababayan.
Sa isinagawang joint investigation ng Senado at Kamara kaugnay sa naging pagkilos ng NDRRMC -- bago at pagkatapos ng pagtama ni “Yolanda”, dumalo si Romualdez at madramang ikinuwento ang mga nangyari -- bago at pagkatapos ng nangyaring delubyo.
Giit ng alkalde, hindi sila nagkulang sa lokal na pamahalaan sa paghahanda sa bagyo. Inilikas daw nila ang mga tao na naninirahan sa tabing-dagat at inilipat sa mas ligtas na lugar. Pero marami raw ang bumabalik sa kanilang mga bahay hanggang sa naganap ang pagtama ni “Yolanda”.
‘Di ngayon ang panahon ng sisihan subalit hindi maiwasang kuwestyunin ni Mang Kanor ang palusot ng ilan. Tandaan din na mismong si Romualdez ang nagkuwento, mapa-international o local media, maging sa mga umpukan na siya’y inabutan ng bagyo at storm surge sa kanilang “resort”. Maging ang kanilang asawa at mga anak daw ay nasa lugar na malapit sa airport na malapit din lang sa dagat.
‘Ika nga ni Mang Gusting: ano ngayon ang iisipin n’yo at paano susunod ang mga nasasakupan, aba’y kahit ang mismong alkalde na itinuturing na ama ng kanilang lungsod ay hindi alam ang peligro ng storm surge, o binalewala lang talaga ang babala sa peligrong hatid ng bagyong Yolanda?
***
Napag-usapan ang “pagtuturo” ni Romualdez, ang ipinagtataka pa ni Mang Kanor: bakit ang maliliit na munisipalidad ng Camotes Island na na-direct hit din ni Yolanda, may lima lamang na katao ang nasawi.
Ang munisipalidad ng San Francisco, zero casualties dahil sa maagap na paglikas sa mga tao.
Sabi ng kanilang dating alkalde (Camotes Island), alam nila ang epekto ng storm surge kaya dinala nila sa mas mataas na lugar ang kanilang mga kababayan. Hindi rin sila basta nagugutom kahit nasalanta ang kanilang lugar dahil nakapagtabi sila ng pagkain na sapat hanggang tatlong araw.
Pagpapakita ito ng kahandaan ng lokal na lider na tunay na may malasakit sa kanilang kababayan. Hindi sila basta umasa sa tulong ng pambansang gobyerno dahil sapat ang kanilang kaalaman sa posibleng tindi ng pinsalang idudulot ng bagyo.
Balikan natin si Romualdez, sa naturang pagdinig, sinisi niya ang kawalan daw ng tulong ng pambansang gobyerno para tulungan ang kanilang mga kababayan. Hindi raw kaagad ipinadala ang mga sundalo at pulis para magbantay sa seguridad at maalis ang mga patay sa kalsada.
Sinabihan pa raw siya ni DILG Sec. Mar Roxas na kailangang maging pormal ang lahat sa pagkilos ng pambansang gobyerno sa Tacloban dahil Romualdez siya at ang liderato ng pamahalaan ay Aquino.
Nais daw ni Roxas na gumawa ng sulat si Romualdez na humihiling ng ayuda kay PNoy dahil hindi na nakakakilos ang lokal na pamahalaan ng mga sandaling iyon. Pero dahil sa payo ng kanyang abogado na maaaring magamit ang sulat upang siya ay maalis sa kapangyarihan, hindi niya ginawa ito.
Pero kahit walang sulat na ginawa si Romualdez, dumating at bumuhos kaagad ang tulong ng gobyerno -- at maging ng ibang bansa. Sino ba ang naglinis ng mga kalsada, pantalan at airport, hindi ba’t ang mga tauhan ng national government na walang inisip kundi tumulong at ibalik ang normalidad ng Tacloban City?
Sa kabilang banda kung iisipin, kung ikaw ay tunay na may malasakit sa kapakanan ng mga kababayan mo, iisipin mo pa ba ang “posisyon” mo na baka masibak ka kung gagawa ka ng sulat?
Hindi ba’t mas maganda yatang kuwento na isinakripisyo mo ang personal na kapakanan dahil ang kapalit naman ay buhay at kinabukasan ng mga taong naghalal at nagtiwala sa iyo na hindi mo sila pababayaan?
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment