Friday, December 13, 2013

Epektibong reporma!




Epektibong reporma!
Rey Marfil

Resulta na naman ng matuwid at malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang bumuting estado ng bansa sa pag-aaral ng Transparency International’s Corruption Perception Index 2013.

Patuloy ang pag-arangkada ng mahusay na gobyerno kung saan mismong isang pandaigdigang koalisyon kontra sa katiwalian ang kumikilala.

Ngayong 2013 Corruption Perceptions Index, napunta sa ika-94 na posisyon ang Pilipinas mula sa 105th puwesto o 11 puntos na pag-angat.

Isipin ninyo, nanggaling ang Pilipinas noong 2012 sa 129th na puwesto bago napunta sa 105th na posisyon o pagbuti ng 24 puntos.

Sa ranggong 94th ng bansa ngayong taon, nakakuha ito ng score na 36, mas mataas sa 34 puntos sa ika-105 na puwesto noong 2012.

Isang non-governmental organization (NGO) ang Transparency International na nagbabantay at naglalabas ng pagsasaliksik kaugnay sa estado ng katiwalian sa iba’t ibang mga bansa at mga repormang isinasagawa.

Inaasahan nating magpapatuloy ang mabuting pagbabago sa ilalim ng administrasyong Aquino laban sa katiwalian at magbubunga ng mas malaking pagtitiwala ng internasyunal na komunidad sa Pilipinas.

***

Bagama’t nakatali ang mga kamay ng gobyerno sa pagsirit ng presyo ng gasolina at krudo, magandang balita pa rin ang paniniyak ng administrasyong Aquino na gagawin nito ang lahat upang protektahan ang publiko kaugnay sa anumang hindi rasonableng pagtaas sa singil sa kuryente sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga mang-aabuso.

Ang direktiba at aksyon ni PNoy bilang tugon sa plano ng Manila Electric Company (Meralco) na ipatupad ang mataas na singil sa kuryente. Take note: umaasa lamang ang Pi­lipinas sa dikta ng world market, as in nakadepende tayo sa importasyon ng langis.

Bagama’t nakasalalay ang singil sa kuryente sa mga puwersa sa merkado, nasa mandato naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa ilalim ng Section 43 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) law o Republic Act (RA) No. 9136 na ipatupad ang mga alituntunin at regulasyon sa pagsugpo ng mga pang-aabuso katulad ng hindi makatwirang umento sa singil sa kuryente.

Nasaksihan na natin ang tigas ng ERC noong nakalipas nang iutos ang refund ng Meralco sa kanilang konsumer dahil sa sobrang singil.

Bagama’t nakapaloob na sa EPIRA law ang pagtulong sa mga mahihirap katulad ng “lifeline rate”, patuloy pa rin ang ginagawang pagsusumikap ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Energy (DOE) na maghanap ng maitutulong sa mga nangangailangan sa usapin ng kur­yente, partikular sa mga lugar na nasalanta ng mga trahedya.

Noong 2011 nga, nilagdaan ni PNoy ang batas upang dugtungan ng bisa sa loob ng 10 taon ang lifeline subsidy sa mga tahanang kumukonsumo ng 100 kilowatts pababa kung saan nakikinabang ang mahigit 2 milyong mahihirap na mga pamilya.

Sa ilalim ng lifeline system, libre sa pagbabayad ng kur­yente ang isang pamilya na kumonsumo lamang ng 20 per kilowatt hour (kWh) bawat buwan.

Aabot naman sa 50% ang diskuwento ng isang pamilyang kumokonsumo ng 21 hanggang 50 kWh na kuryente habang 35% na diskuwento sa nakakagamit ng buwanang 51-70 kWh.

Kung nasa 71 hanggang 100 kWh ang buwanang konsumo, aabot lamang sa 20% ang diskuwento at 20% rin ang subsidiya para sa senior citizens.

Makikita natin kung gaano katindi ang pagmamalasakit ni PNoy para maisulong ang kagalingan at interes ng bawat Filipino.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: