Friday, December 27, 2013

Nasa likod ang buong mundo!






                                        Nasa likod ang buong mundo!


Malaking tulak sa pag-asa ng marami nating kababa­yan na sinalanta ng bagyong “Yolanda” ang pagbisitang ginawa sa bansa ni United Nations Secretary General Ban Ki-moon. Bukod sa garantiya ng lubos na suporta sa rehabilitasyon ng mga napinsalang lugar, ipinakita rin ni Ban na hindi tayo nag-iisa.


Kung tutuusin, sa simula pa lang ng hagupit ni “Yolanda” ay naipakita na ng maraming bansa ang pagmamalasakit nila sa mga Pilipino. Kaagad na nagpadala ng tulong -- hindi lang ang mga malalapit nating kaalyado -- kundi maging ang mga bansa na hindi naman natin sob­rang “close” ‘ika nga.


Pero ang pagdalaw ni Ban sa Leyte nitong nakaraang mga araw para makita mismo ang pinsala ni “Yolanda” ay lalo pang nagbigay ng katiyakan na hindi nag-iisa ang gobyernong Aquino sa hakbangin na muling itayo at ibalik sa normal ang pamumuhay ng ating mga kababayan.


Katunayan, muli pang nanawagan si Ban sa mga bansang kasapi ng UN na paigtingin ang pagkakaloob ng tulong sa Pilipinas para makamit ang kinakailangang pondo para sa gagawing rehabilitasyon. Bukod pa diyan, nagpaalala rin siya na hindi dapat maisama sa listahan ng mga nakalimutang trahedya ang nangyaring pananalasa ni “Yolanda”.


Dapat lang naman na hindi makalimutan ng mundo ang lupit ni “Yolanda” na itinuturing na isa, kung hindi man pinakamalakas na bagyo na tumama sa lupa. Isa pa, dahil sa kinakaharap na climate change ng mundo at pag­lakas ng mga bagyo, talagang maaalala at maaalala ng mundo ang nangyari sa Pilipinas dahil maaari ring mangyari sa ibang bansa ang sinapit natin.


***


Sa harap ng ipinakikitang suporta ng buong mundo sa ating pagbangon, pasalamat tayo na nangyari ito sa ilalim ng liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino. Mantakin n’yo, sa laki ng pondong kakailanganin sa rehabilitasyon ng mga sinalantang lugar, isipin na lang natin kung nangyari ito sa panahon ng isang lider na markado sa pagiging matakaw sa pera?


Sa ilalim ng pamamahala ni PNoy, inatasan nito ang mga kinauukulang ahensya na maglagay ng website kung saan makikita ang mga pumapasok na pondo at saan ito ginagamit. Bukod dito, itinalaga niya si dating Senador Panfilo Lacson na kilalang galit sa mga kawatan o tiwali at siguradong hindi tatagas ang pondong ilalaan sa rehabilitasyon.


Sa mga ganitong hakbangin na inilatag ni PNoy sa ngalan ng transparency, tiyak na magiging maingat kundi man magda-dalawang isip ang mga taong “made-demonyo” ang utak na ibulsa ang pondo na para sa mga biktima ni “Yolanda”. Baka hatakin pa ng mga nasawi sa bagyo ang paa ng mga taong magkakainteres sa pera na laan sa naiwan nilang mahal sa buhay na nagsisikap makaba­ngon sa trahedya.


Tama ang panawagan ni Ban tungkol sa kahalaga­han sa pagkakaroon ng mabuting pamamahala sa paghawak sa pondo para sa rehabilitasyon ng mga sinalantang lugar ni “Yolanda”. Pero bago pa man niya ito masabi, nakagawa na ng mga hakbang si PNoy para protektahan ang pera ng mga para sa Yolanda victims.


Sabi nga ni PNoy, makakaasa ang mga tao at maging ang buong mundo na ang pera na para sa mga Yolanda victim ay para sa mga Yolanda victim. Walang puwang sa hangaring ito ng pamahalaan ang mga kurimaw at ma­ngungurakot ng pera ng bayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: