Friday, August 16, 2013

Tagumpay!





Tagumpay!
REY MARFIL


Panibagong tagumpay na naman sa pagkakaloob ng serbisyong pang-kalusugan ang desisyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) na ipalabas ang P2.8 bilyong pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa konstruksyon at pagkumpuni ng pampublikong mga ospital sa buong bansa.
Bahagi ang pondo ng ipinapatupad na Health Facilities Enhancement Program (HFEP) sa ilalim ng Department of Health (DOH). Layunin ng inilalaang pondo na palakasin ang pagkakaloob ng serbisyong pang-kalusugan ng admi­nistrasyong Aquino sa publiko.
Hindi naman nakakapagtaka ito dahil sa pangako at pagiging sensitibo ni PNoy sa pangangailangan sa kalusugan ng maraming Filipino. Bahagi ang programa para makamit ang tinatawag na Millennium Development Goals sa lara­ngan ng pagbibigay ng serbisyong pang-kalusugan sa publiko sa 2015.
Dahil sa pagpapaunlad ng rural health centers, matitiyak natin na mabibigyan ang ating mga kapamilya ng mas maayos na serbisyong pang-kalusugan at iba pang emergency services mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasama rin sa hangarin ng HFEP na maitaas ang antas ng imprastraktura at mga kagamitan sa pampublikong health facilities sa buong bansa.
Kabilang dito ang 512 regional health units (RHUs), 363 barangay health stations (BHSs), 147 district hospitals at 20 provincial hospitals.
Pauunlarin din ng proyekto ang BHSs at RHUs upang makapagbigay ng pangunahin at komprehensibong emergency obstetric at newborn care services para mabawasan ang maternal mortality.
Karagdagan ito sa pagpapayaman ng BHSs at RHUs para matulungan ang nursing students, makapagbigay ng hospital-grade services at mabawasan ang sobrang pasyente sa pangunahing pampublikong mga ospital.
Positibo ako sa tulong ng pagsusumikap ni PNoy, magpapatuloy ang mabuting serbisyong pang-kalusugan para sa mga Filipino.
***
Napag-usapan ang good news, bumaba sa tinatayang 200,000 pamilya ang ikinokonsidera ang mga sarili bilang mahirap sa nakalipas na tatlong buwan base sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa pambansang survey na isinagawa mula Hunyo 28 hanggang 30 sa hanay ng 1,200 respondents, tinatayang 10.4 milyong pamilya o 49% ang nagsabing mahirap. Bumaba ito kumpara sa tinatayang 10.6 milyong pamilya o 52% na naitala noong nakalipas na Marso.
Nakita rin ng SWS na mas maganda ang 49 porsiyentong average na kahirapan ngayong taon kumpara sa naitalang 52%. Lumalabas din sa survey ng SWS na malawakan ang pagbaba ng kahirapan base sa naitalang mga resulta sa Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao.
Naitala ang pinakamataas na pagbaba ng self-rated poverty sa Visayas mula 65 porsiyento noong Marso tungong 57% ngayong Hunyo. Sumunod dito ang Mindanao na naitala ang 47% kahirapan kumpara sa 53% noong Marso.
Bumaba rin ang kahirapan mula 42% patungong 40% sa Metro Manila at mula 50% tungong 48% sa kabuuan ng Luzon.
Nangangahulugan na ginagawa ni PNoy ang lahat ng magagawa nito upang masuportahan ang mga mahihirap sa tulong ng mabubuti at magagandang mga programa katulad ng Conditional Cash Transfer (CCT).
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: