Wednesday, August 28, 2013

Napuno ang salop!



Napuno ang salop!
REY MARFIL


Isang magandang layunin na binaboy ng mga nag-aakalang kanila ang pera ng bayan. Ganyan ang nangyari sa pork barrel fund ng mga mambabatas, na tinatawag ding Priority Development Assistance Funds (PDAF), na da­ting Countrywide Development Funds o CDF.
Taong 1990s nang ipatupad ang CDF na ang hangarin ay mabigyan ng suporta ang mga mambabatas sa mga proyekto at programa na kailangan ng kanilang mga kababayan. Kung minsan kasi, dahil sa iringan sa pulitika ng mga lokal na opisyal sa isang lalawigan, napagkakaitan ng pondo ang isang distrito kung hindi nito kaalyado ang gobernador o alkalde.
Maganda ang intensiyon ng CDF na kalaunan ay naging PDAF, na naging pork barrel matapos unti-unti nang mababoy ang implementasyon ng pondo. Ang mga mambabatas na dapat mag-isip ng magandang proyekto sa kanilang mga kababayan, ilan sa kanila, tila ang pagkakakitaan na ang naging prayoridad.
Tulad ng sinabi ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang talumpati, tila ang akala ng ibang mambabatas, kanila ang pera ng bayan na puwede nilang gastusin kung saan nila gusto. Pero ang masaklap nito, ang iba pa nga, hindi na ginagastos ang pero kundi nais na lamang ibulsa.
Ang reklamo ni Mang Gusting: Nakaka-high blood naman talaga at masakit sa batok ang mga naglalabasang datos tungkol sa laki ng pondo mula sa PDAF na sinasabing nasayang batay sa pag-aaral ng Commission on Audit (COA).
Mukhang wala ring basehan ang paniwala ng ilan na sadyang pinuntirya lang ng COA ang administrasyong Arroyo dahil ang naging pakay ng special audit ng paggamit ng PDAF ay 2007 hanggang 2009. Bakit hindi raw isinama ang 2010 hanggang 2012?
Paliwanag ng COA, sinimulan nila ang pag-aaral sa PDAF noong 2010, na unang taon pa lamang ni PNoy bilang Pangulo ng bansa nang mahalal siya noong May 2010 presidential elections.
At kung titingnan ang kapal ng libro na naglalaman ng resulta ng special audit ng 2007-2009, sadyang hindi madali ang ginawang pagsusuri sa detalye ng mga ginastusan ng pondo, at mga non-government organization o NGO na umano’y pinagdaanan ng mga pondo. 
Kung inabot ng may dalawang taon ang pagsusuri sa PDAF ng 2007-2009, aba’y baka patapos na ang termino ni PNoy sa 2016 kapag isinama pa sa special audit ang 2010 hanggang 2012. Kung ganu’n ang mangyayari, baka hindi na mailatag ni PNoy ang mga plano niyang reporma at pinahigpit na mekanismo sa paggamit ng PDAF upang hindi na maabuso ng ilang mambabatas.
***
Napag-usapan ang pork barrel, isang malaking protesta ang ginawa kontra sa pork barrel fund. May dahilan ba para mangamba rito si PNoy? Natural wala. Ang protesta ay laban sa pang-aabuso sa pondo ng bayan, na siya rin namang adbokasiya ng pamahalaang Aquino sa ilalim ng panawagan na “daang matuwid”.
Sadya yatang pinag-adya ng tadhana na mangyari at umalingasaw ang baho ng PDAF sa ilalim ng termino ni PNoy. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, nagkaroon ng pagkilos para maituwid ang mali.
Ang hirit nga ni Mang Kanor: Hindi kagaya sa ibang nagdaang administrasyon na ilang linggo o buwan lang na pag-uusapan pero sa paglipas ng panahon ay tuloy ang happy-happy sa kaban ng bayan kaya nawawalan ng pag-asa ng pagbabago ang mga tao.
Asahan natin sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno ni PNoy, may pagbabagong magaganap sa paggamit ng pondo ng mambabatas na tiyak na hindi ikatutuwa ng mga nanlalapastangan sa kaban ng bayan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: