Monday, August 26, 2013

‘Di magnanakaw si PNoy! REY MARFIL



‘Di magnanakaw si PNoy!
REY MARFIL

Ngayong nagdesisyon na si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na buwagin na ang sinalaulang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o Pork Barrel funds, tila may mga taong naghahanap ng damay at pinupuntirya ang President Social Funds (PSF).

Ang PSF ay pondo ng Pangulo na maihahalintulad sa perang nakatabi sa isang bahay o opisina at naka-steady lang para may mabunot o magamit kapag nagkaroon ng biglaang pangangailangan. 

Pero hindi naman basta-basta lang na magagamit ang PSF dahil mayroon din itong mga espisipiko o partikular na programa na paglalaanan. Ilan diyan ang calamity fund sakaling may manalasang bagyo o lindol; contingency fund sakaling magkaroon ng problema sa ibang bansa na may Pinoy na kailangang ilikas; pension funds; pambayad sa utang at iba pa.

Sabi ng ilang pumupuna sa PSF, dapat din daw buwagin ang pork barrel ni PNoy gaya ng pagbuwag sa PDAF ng mga mambabatas na pinaniniwalaang kinukurakot lang. Mas makabubuti raw na alisin na lahat ang pork barrel at isama ang PSF ng Pangulo.

Ang tanong, sino ang sisisihin kapag hindi nakatugon ang Pangulo sa pangangailangan ng mga taong nasalanta ng bagyo, baha, landslide o iba pang uri ng delubyo. Lalo na ngayon na mas nagiging malalakas at mapaminsala ang mga bagyo dahil sa climate change.

Mahirap din ang mungkahi ng ilang nagmamagaling na i-itemized na sa badget o ilatag na kaagad kung magkano ang pondo na ilalagay sa isang partikular na paglalaan para daw hindi na lump sum o malakihang pondo.

Aba’y kahit sino yatang pinakamagaling na tao sa PAG­ASA o Phivolcs ay hindi mahuhulaan kung ilan ang bagyong darating, o kung may tatamang lindol, at kung ilan ang masasalanta o magiging biktima ng kalamidad na dapat tulungan.

Magtataas kaya ng kamay ang mga nagmamarunong na sila ang dapat sisihin kapag may mga OFW na naipit sa ibang bansa na may digmaan dahil sa gusto nilang alisin ang PSF at walang mapagkunan ng pondo ang lider ng bansa?

***

Napag-usapan ang “pag-astang henyo” ng ilang mga nagsilbing tresurera at eksperto sa ekonomiya, saan naman magrereklamo ang mga magreretiro at umaasa ng kanilang pensyon kapag hindi na iyon maibibigay ng Pangulo? O kaya naman, sino ang mga mananagot sa mga local government unit kapag naghanap sila ng kanilang Internal Revenue Allotment (IRA) na nakapaloob din sa PSF na sinasabing pork barrel ng Pangulo.

Sa isyung ito ng alegasyon ng pagsasamantala ng ilang mambabatas sa kanilang pork barrel funds, tandaan na kumilos si PNoy upang maituwid ang mga kamalian na nangyari pa sa nakaraang administrasyon na naging maluwag sa pondo ng PDAF dahil sa hangaring magtagal o hindi mapatalsik sa kapangyarihan ng mga mambabatas sa paraan ng impeachment.

Kabilang sa mga pangunahing hakbang upang mapangalagaan ang pondo ng bayan na ginawa ni PNoy ay magpatupad ng mga reporma at higpitan ang patakaran sa pagpapala­bas at paggamit ng pondo.

Reporma na siguradong aangalan ng mga mawawalan ng pakinabang sa PDAF na inakala nilang pera nila.

Sa mga kritiko at nagmamarunong sa usapin ng PSF na pilit nilang inihahambing sa pork barrel funds o PDAF, dapat itigil na nila ang ginagawang paglilinis sa isyu. Ang problema sa PDAF ay hindi mismo ang PONDO kundi ang mga mambabatas na umabuso sa pera ng bayan.

Hindi mangyayari ‘yan sa PSF dahil ang pondo ay nasa tanggapan ng Pangulo at kailanman ay hindi aabusuhin ni PNoy ang pera ng bayan dahil hinding-hindi niya sisirain ang malinis na pangalan ng kanyang mga magulang at sari­ling pangalan.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: