Wednesday, August 7, 2013

Nagmamalasakit!



Nagmamalasakit!
REY MARFIL


Magandang balita ang pagtanggap ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa nakumpiskang mga troso ng Bureau of Customs (BOC) na gagamitin sa produksyon ng armchairs o upuan ng mga bata sa mga pampublikong paaralan.
Umabot sa kabuuang 280,000 board feet ng lauan lumber ang ibinigay sa PNoy Bayanihan Production Site sa TESDA Complex sa Taguig City. Nakaraang taon, tinanggap ng TESDA ang 26,166 piraso ng troso na ginamit sa paggawa ng mga upuan.
Sinaksihan ang pagkakaloob ng troso nina Secretary Joel Villanueva, TESDA director general; Customs Commissioner Ruffy Biazon; Environment Assistant Secretary Marcial Amaro at iba pang mga opisyal ng ahensya.
Malinaw na mapapaligaya ng mga trosong ito ang mga mag-aaral na magkakaroon ng upuan para makadalo sila sa klase nang maayos.
Sa pamamagitan ng eksperto at bihasang kakayahan ng mga manggagawa ng TESDA sa ilalim ni Villanueva, mapapakinabangan ang mga nakumpiskang mga troso sa dekalidad na furniture para masolusyunan ang kakapusan ng upuan sa bansa.
Lumagda ang TESDA sa isang memorandum of agreement sa Department of Education (DepEd), Philippine Amusement and Gaming Corporation at Department of Environment and Natural Resources para sa PNoy Bayanihan Project na naglalayong pabilisin ang produksiyon ng mga kagamitan sa eskwelahan gamit ang nakumpiskang mga logo.
Naglagay ang TESDA ng ilang mga lugar para sa produksiyon ng mga upuan kung saan nagtutulung-tulong ang mga nagsipagtapos ng programa sa ahensya sa mabuting layunin.
Sa gawaan sa CARAGA, nakagawa ito ng 34,186 armchairs na naibigay sa DepEd. Sa Taguig naman, nakalikha dito ng 2,500 armchairs na nakahanda nang ipamahagi at karagdagang 2,500 pa ang target na gawin sa katapusan ng Hulyo.
***
Malinaw ang paninindigan at malasakit ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na maisulong ang interes at kaga­lingan ng mga magsasaka.
Base ito sa hakbang ng Department of Agrarian Reform (DAR) na ipamahagi ang unang batch ng lot allocation certificates sa lehitimong mga magsasakang benepisyunaryo sa Barangay Cutcut sa Tarlac City.
Malinaw na talagang nais ni PNoy na ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) Law sa panahon ng kanyang panunungkulan. Nagsimula na ang DAR sa pangunguna ni Secretary Virgilio de los Reyes sa pagpapatupad ng programa.
Naghihintay naman ang ibang mga barangays sa kanilang panahon na makuha ang kanilang inaasam na sertipikasyon, kabilang dito ang Bantog, Balete, Asturias, Lourdes, at Mapalacsiao sa Tarlac City; Parang, Pando at Mabilog sa Concepcion; at Motrico sa La Paz.
Isinapinal na rin ng DAR ang master list ng mga benepisyunaryong magsasaka. Inayos na rin ang master list base sa direktiba ng Supreme Court (SC) na limitado lamang sa mga manggagawa sa taniman ng tubo sa ilalim ng Luisita Tarlac Development, Corp. noong 1989 na ikinokonsiderang mga benepisyunaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Hahatiin ng DAR ang 4,099.91 ektarya ng Hacienda Lui­sita sa 6,212 benepisyunaryo.
Nakahanda si PNoy na ipamahagi ang mga lupaing sakop ng CARPER sa mga magsasakang lehetimong benepisyunaryo sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Magandang balita ang paninindigang ito ni PNoy upang lalo pang mapabuti sa ilalim ng kanyang panunungkulan ang mga programa sa pagpapa-unlad ng lupang agrikultu­ral sa bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: