Wednesday, August 14, 2013

Gumagawa ng paraan!


Gumagawa ng paraan!
REY MARFIL

Tama ang posisyon ng MalacaƱang na magkaroon ng malalim na koordinasyon sa Kongreso upang matiyak ang mas tama at mahigpit na paggamit ng pork barrel ng mga mambabatas matapos sumabog ang P10-bilyon na umano’y anomalya sa paggastos ng nasabing pondo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naharap sa ganitong krisis ang Kongreso. Ngunit sapul nang maluklok si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kapangyarihan noong Hunyo 30, 2010, isinulong niya ang limitadong paggamit ng pork barrel para masiguradong hindi ito magiging ghost projects.
Nasaksihan naman ng publiko ang mga reporma para matiyak na malilimitahan ang mga anomalya sa paggamit ng pork barrel kung hindi man tuluyang matitigil. At siguradong magtatagumpay si PNoy at mga mambabatas sa mabuting hangarin nilang matiyak na hindi nasasayang ang kahit isang sentimo ng pampublikong pondo na napupunta sa pork barrel.
Maganda rin ang paniniyak ng administrasyon na magiging parehas at walang kikilingan ang isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa umano’y iregularidad sa pork barrel.
***
Sa good news, hindi ba’t kapuri-puri ang maigting na determinadong hakbang ng administrasyong Aquino na palakasin ang kakayahan ng bansa na bantayan ang ating katubigan sa kabila ng limitadong pondo matapos dumating sa bansa si BRP Ramon Alcaraz, ang ikalawang Hamilton-class cutter mula sa United States (US).
Malinaw na hindi pag-aaksaya ng pondo ang pagbili ng pamahalaan sa BRP Ramon Alcaraz lalo pa’t tumitindi ang pangangailangan ng Pilipinas upang bantayan ang teritoryo at protektahan ang mamamayan, katulad ng mga mangingisda. Higit sa lahat, magagamit din ito sa search and rescue operation sa panahon ng kalamidad.
Bagama’t magastos ang pamumuhunan sa ganitong aspeto ng depensa ng bansa at mayroong mahahalagang mga pangangailangan na dapat pondohan sa larangan ng pangunahing serbisyo at edukasyon, malaki ang maitutulong nito para labanan ang patuloy na pangbu-bully sa West Philippine Sea ng isang naghahari-hariang bansa.
Malaking tagumpay sa modernisasyon ng Philippine Navy (PN) ang pagdating sa bansa ng barko sa tulong ng pagsusumikap ni PNoy; malinaw ang pagtugon ng Pa­ngulo sa matagal nang problema ng Hukbong Sandatahan.
Ikinokonsidera si Pangulong Aquino na lider na naglaan ng malaking pondo para sa depensa ng bansa kumpara sa ibang naging Presidente kahit papasok pa lamang ng apat (4) na taon ang kanyang panunungkulan.
Lagi nating iisipin na pinakamabuting kasangkapan laban sa mga mananakop ang presensiya ng militar. Kalimutan na rin natin ang mga kritiko na nagsasabing hindi uubra ang bagong dating na Hamilton-class cutter kumpara sa makabagong barkong pandigma ng kalapit-bansa.
Ang mahalaga, hindi natutulog sa pansitan si Pa­ngulong Aquino at gumagawa ng mga paraan at hakbang upang matiyak na magkakaroon ng lakas ang ating militar.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: