Friday, August 9, 2013

Di tantanan!



Di tantanan!
REY MARFIL


Sa loob lamang ng halos dalawang (2) linggo, dalawang (2) magkasunod na pagpapasabog ang naganap sa Mindanao na ikinasawi ng 17 katao at ikinasugat ng mahigit 60 iba pa. Isa itong karumal-dumal na krimen na dapat pagtulungan ng lahat upang malutas.
July 26, habang nagpapalipas ng magdamag ang marami nating kababayan sa Cagayan de Oro na kinabibilangan ng mga medical practitioner, isang malakas na pagsabog ang yumanig sa paligid na naging dahilan ng pagkasawi ng walo katao at ikinasugat ng mahigit 30.
Habang patuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng mga awtoridad sa mga posibleng may kagagawan ng pag-atake sa CDO, isa namang pinaniniwalaang car bomb ang sumabog sa isang busy street sa Cotabato City na ikinasawi na ng siyam (9) na katao at ikinasugat ng may mahigit 30 iba pa.
Sa lakas ng uri ng pampasabog na ginamit sa dalawang pag-atake, hindi lang magdulot ng takot ang pakay ng mga may pakana nito. Nais nilang maghasik ng lagim at kumitil ng kahit ilang buhay. Wala silang pakialam sa mga inosenteng madadamay.
Kinondena ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang mga pag-atake at nangakong hindi titigil ang kamay ng batas hangga’t hindi nila nahuhuli ang mga dapat managot sa krimen. Maraming teorya at espekulasyon na naglalabasan tungkol sa magkahiwalay na pagsabog.
May mga nagtatanong kung konektado ba o isang grupo lang ba ang nasa likod ng pagsabog sa Cagayan de Oro at Cotabato? May nangangamba kung mga teroristang grupo ba ang nasa likod ng mga pag-atake at baka may susunod pa.  
Kaya’t hindi maiwasang magsulputan ang “Tropang Hapon”, as in sina “Kuro-kuro at Haka-haka” -- nandiyan kasi ang hinala na baka parehong away-pulitika ang motibo sa magkahiwalay na pag-atake dahil nagkataon na may mga pulitiko sa lugar ng pinangyarihan ng mga pagsabog. 
***
Napag-usapan ang mga “kuro-kuro at haka-haka”, siyempre hindi rin mawawala ang posibilidad na baka pa­kana lang ng grupong tutol sa peace negotiation ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang pagpapasabog para manggulo.
Pero anuman ang dahilan at motibo, may mga buhay na nawala at nasaktang mga inosente sa dalawang insidente ng pagpapasabog na dapat mabigyan ng hustisya. Nangako si PNoy na gagawin ang lahat para mahuli sa tamang panahon ang mga may kasalanan.
Kung may katotohanan sa hinala ng mga awtoridad na may grupong nagpapabayad para gumawa ng mga ganitong uri ng bomba, lalong dapat bilisan ang paghuli sa kanila upang hindi na makakuha pa ng “kliyente” na magpapagawa sa kanila ng bomba. 
Sa lakas ng uri ng bomba na sumabog, higit na nakakatakot ito kung kagagawan pa lamang ng mga kriminal at hindi pa mga terorista.
Sa ngayon, mayroon na umanong ilang suspek na nadakip ang mga awtoridad sa nangyaring pagpapasabog sa Cagayan de Oro. Samantala, may mga “suspek” na rin ang mga awtoridad sa Cotabato bombing pero hindi pa sila dinadakip.
Sa ganitong uri ng barbarikong pag-atake, dapat magtulungan ang lahat Kristiyano man o Muslim sa pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad para sa mabilis na ikalulutas ng krimen. Kung hahayaan itong lumipas at maisama lang sa listahan ng mga hindi nalulutas na kaso ng pagpapasabog, paulit-ulit pa itong mangyayari at dadami pa ang buhay na mapipinsala.
Bukod dito, dapat ding magtulungan ang lahat sa pagiging mapagmatyag at gamitin ang social media sa pagpapakalat ng anumang impormasyon para mapigil at hindi na maisakatuparan ang mga pag-atake. Ipakita natin na higit na marami ang mga taong naghahangad ng katahimikan sa ating bayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: