Alis-kalawag!
Rey Marfil/Spy on the Job
Kung may mga kawawang kawani ng gobyerno, isa na rito malamang ang ating mga pulis o alagad ng batas. Bakit ‘ka ninyo? Aba’y sa paglipas ng mga panahon, kung anu-anong patutsada ang ibinato na sa kanila -- pulis patola, pulis matulis, pulis sa ilalim ng tulay, at maging iskalawag.
Dahil laging nasa kalye ang mga pulis upang humaharap sa pang-araw-araw na mga problema ng mga Pinoy magmula sa mga karumal-dumal na krimen, hanggang sa mga mandurukot at mga pasaway na lumabag sa batas trapiko, natural din na sila ang laging nakikita ng mga tao.
Kaya naman hindi kataka-taka kung lumabas sa isang survey na nagsasabing ang kapulisan ang pinaka-tiwaling ahensya sa gobyerno. Pero kung tutuusin, maliit na bahagi lang ng buong puwersa ng kapulisan ang nasasangkot sa mga kalokohan.
Para bang isang buong bond paper na kapag nilagyan mo ng isang maitim na tuldok ng ballpen, tiyak na ang agad mong mapapansin ay ang maitim na tuldok, pero mawawala sa isip mo ang kabuuan ng “maputing” bond paper.
Sa ngayon, higit na nabibigyan ng atensyon sa mga balita ang ilang bugok na pulis na nasasangkot sa mga kalokohan at nag-aastang kriminal na sila nilang dapat na hinuhuli. Mayroon ding ilang alagad ng batas na nagmimistulang hukom at sila na ang nagpapataw ng parusang kamatayan sa kanilang hinuhuli. At siyempre, hindi rin nawawala ang mga pasimpleng nangongotong sa mga motorista at iba pang uri ng delihensiya.
Pero sabi nga natin, ang mga negatibo ang madalas na nababalita pero hindi masyadong napapansin ang magagandang nagagawa rin ng ating mga awtoridad. Mabuti na nga lang sa ilang talumpati ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, nabibigyan niya ng pansin ang kadakilaan ng ating mga pulis.
***
Napag-usapan ang pagbibigay-pansin ni PNoy -- sila ang mga tunay na alagad ng batas na handang isakripisyo ang sariling buhay sa ngalan ng kanilang sinumpaang tungkulin na ipatutupad ang batas para sa kaligtasan ng mga mamamayan. Mga pulis na itinuturing na karangalan ang magkaroon ng “chapa”, at hindi “lisensiya” para mang-abuso gaya ng ginagawa ng mga bugoy na iskalawags.
Sa ilalim ng administrasyon ni PNoy, dapat humugot ng panibagong pag-asa at inspirasyon ang ating mga pulis dahil sa ipinakikita niyang suporta. Katunayan, naka-ready na ang P2 bilyong pondo na bahagi ng P9 bilyong modernization program para sa Philippine National Police (PNP).
Ang naturang bahagi ng pondo ay gagamitin sa mga karagdagang kagamitan ng pulis para sa sandata, komunikasyon, dagdag na tauhan at iba pa. Bukod pa diyan ang nauna nang ipinamahagi ng pamahalaan na mahigit 37,000 baril na Glock 17 9-mm para sa ating mga pulis. Kung hindi man nawala na, tiyak na iilan na lang siguro ang matatawag na pulis-patola o iyong mga batuta lang ang sandata.
Kung sabagay, kung may nababalita mang mga pulis na nasasangkot sa kalokohan, nangyayari ito dahil naisusumbong sila o kaya naman ay nahuhuli rin ng mismo nilang mga kabarong pulis. Magandang indikasyon na nagpapakita na walang pagtatakipan na nangyayari sa PNP.
Kailangan lang sigurong pag-ibayuhin pa ng mga “good cop” ang kanilang powers para maimpluwensyahan kung hindi man matakot ang mga iskalawags para magpakatino sila o tuluyan na lamang silang umalis sa serbisyo at mag-full-time na kriminal na lamang.
At sa panahon ngayon na marami pa ring kampon ni “Taning” na naghahasik ng lagim sa mga mamamayan, dapat pag-ibayuhin ng mga pulis na alagad ng “kabutihan” ang kanilang kampanya para mabura ang “tuldok na itim” at mangibabaw sa paningin ng tao ang “kaputian” ng ating mga alagad ng batas.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment