Good pork, bad cook! | |
Patuloy pa rin ang mga naglalabasang alegasyon tungkol sa umano’y hindi tamang paggamit ng ilang mambabatas sa kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF), na kilala rin bilang pork barrel funds.
Sa harap na rin ng iskandalo na nakukurakot daw ang pondo, may mga nagmumungkahi na itigil na ng pamahalaan ang pagkakaloob ng PDAF sa mga mambabatas. Bawat taon, tig-P200 milyon ang nakukuhang pondo ng bawat senador at P70 milyon naman sa bawat kongresista.
Sa ilalim ng batas, ang pondo ay maaaring ilaan ng mga mambabatas sa mga makabuluhang programa o proyekto sa kanilang mga nasasakupan. Maaaring ilaan ang pondo sa pagpapagawa ng kalsada, gusali, o ilaan sa scholarship program o medical assistance.
Sa mga malalayong lalawigan, malaki ang maitutulong ng PDAF kung gagamitin lamang ito ng kanilang mambabatas sa tamang paraan. Dahil maraming inaasikaso ang pambansang gobyerno, malaki ang tiyansang hindi nila mabigyan ng pansin ang lahat ng lugar sa bansa. Kaya naman kahit papaano ay nagsisilbing pambalanse ang PDAF upang may pondong magagamit sa distrito o lugar na nangangailangan ng ayuda.
Kaya naman si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, hindi sang-ayon sa mga mungkahi na itigil ang pagkakaloob ng PDAF sa mga mambabatas dahil sa alegasyon na may ilang mambabatas na nagwawaldas ng kanilang pork barrel funds.
Kung tutuusin, pawang alegasyon pa lang ang umano’y paglalaan ng PDAF sa mga pekeng non-governmental organization (NGOs) at wala pang opisyal na resulta ng anumang imbestigasyon na magpapatunay sa mga ibinibintang na katiwalian.
Tama naman ang pasya ni PNoy na ituloy ang pagkakaloob ng PDAF sa mga mambabatas dahil marami rin naman ang mga mambabatas na ginagamit nang wasto ang kanilang alokasyon.
Kung totoo na may 28 mambabatas na sangkot sa umano’y katiwalian sa paggamit ng nasabing pondo, bakit parurusahan ang higit na nakararaming mambabatas na ginagamit sa wastong paraan ang kanilang PDAF at nakakatulong sa kanilang mga kababayan.
***
Napag-usapan ang pork, ilan ba ang lahat ng mambabatas 24 na senador at 280 kongresista o sa kabuuan ay mahigit 300 mambabatas kontra sa sinasabi sa mga ulat na may 28 mambabatas na nakalistang nagbigay ng bahagi ng kanilang PDAF sa pekeng NGOs.
Sa halip na itigil, higit na makabubuti na higpitan na lamang ang mekanismo sa pagpapalabas ng pondo para matiyak na mailalaan ang PDAF ng mga mambabatas sa makabuluhang proyekto at programa, hindi sa bulsa ng iilan.
Kung tutuusin, bukod sa Department of Budget Management (DBM) na siyang nagpapalabas ng pondo, may sariling mga hakbang na ginagawa ang ilang senador at kongresista upang matiyak na hindi mapupunta sa katiwalian ang pondo ng PDAF.
Dapat bigyan ng pagkakataon ang mga mambabatas na ituwid ang pagkakamali ng kanilang mga kasamahan at nang kanilang patunayan sa mga mamamayan na higit na marami silang matitinong mambabatas na tamang gumagamit ng PDAF sa kanilang mga kababayan.
Mahirap din naman na baka maakusahan ng paboritismo ang pamahalaan kapag inalis ang PDAF at hinayaan ang mga mambabatas na magkanya-kanya ng lapit sa Palasyo para mag-request ng pondo para sa kanilang proyekto sa kani-kanilang lugar.
Tama pa rin ang kasalukuyang sistema na pare-parehas at pantay-pantay ang pondo na ibinibigay sa mga mambabatas. Pero kailangan lamang na ang mga tao ang maging mapagmatyag at bantayan ang kanilang mga mambabatas kung may nagagawa o nailalagay ang pondo sa kanilang proyekto at programa.
Tandaan na hindi masama ang “pork” sa kalusugan kung tama lang ang kain. Pero ang masama sa kalusugan ay kung mali ang “pagkakaluto” sa “pork” ng taong pinagkatiwalaan nito.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment