Magbayad ng tama! | |
REY MARFIL
Huwag magtaka kung may makikitang abogado, accountant at doktor na nakayuko ang ulo kapag may nakakasalubong na titser.
Ang dahilan malamang, hindi nagbabayad ng tamang buwis si Attorney, si Accountant, at si Doc.
Sa isang ulat kasi na lumabas kamakailan, ibinisto ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na lumilitaw na mas malaki pa ang binabayarang buwis ng mga mararangal nating guro, kaysa mga naturingang propesyunal pa man din.
Ginamit na halimbawa ng DOF at BIR ang buwis na binayaran ng mga doktor, accountant at abogado sa Makati noong 2012, kumpara naman sa buwis na ibinabayad ng mga pampublikong guro.
Aba’y mantakin ninyo ba naman na lumitaw na 54% ng mga self-employed doctor, lawyers at accountants sa Makati ay nagbayad lamang ng kanilang buwis na hindi hihigit sa P35,000 noong 2012.
Ang naturang ibinayad na buwis ng mga nabanggit na propesyunal ay mas maliit pa sa binayarang buwis na P35,952 ng isang guro na sumasahod ng P21,500 bawat buwan.
Para sa mga karaniwang manggagawa na tapat sa pagbabayad ng buwis, masakit sa batok at nakaka-high blood na malaman na kung sino pa ang malalakas kumita ay sila pang malakas ding magpalusot sa kanilang obligasyon sa bayan.
Sa ipinalabas na anunsyo ng DOF, umabot sa 318 ang bilang ng mga accountant na nagbayad ng kanilang buwis sa Makati noong nakaraang taon. Ang may pinakamalaking binayaran sa kanila ay umabot sa P4 milyon, at may isang nagbayad lamang ng pinakamababang P120.
Sa 534 abogado naman sa Makati, isa sa kanila ang nagbayad lamang ng P200 sa buwis, at may isa pa na nagbayad ng P475. Habang sa hanay ng mga doktor, may nagbayad naman ng P10 at P82.50 sa kanilang buwis.
Hindi kaya nakakahiya sa mga ito na nalagasan ng barya ang kanilang pitaka?
Kaya tama lang ang sinabi ni BIR chief Kim Henares na dapat mahiya sa kanilang sarili (na kung tutuusin ay sagad to the bones dapat sa hiya) ang mga propesyunal na ito na nagpapalusot sa binabayaran nilang buwis.
***
Napag-usapan ang tamang pagbabayad ng buwis, hindi rin nakakatawa, bagkus ay nakakahiya ang sinabi ng pangulo ng Philippine Medical Association (PMA) na mayroon lamang silang mga miyembro na sadyang malilimutin at mahina sa math pagdating sa pagbabayad ng buwis.
Hindi na lingid sa kaalaman ng marami at naibalita na rin noon na mayroong mga doktor na hindi nagbibigay ng resibo sa kanilang pasyente kaya nagagawa nilang magpalusot sa binabayarang buwis.
Samantalang ang mga accountant, dahil mahusay sila sa numero ay iniisip siguro nila na kaya nilang paikutan sa pagkuwenta ang BIR. Gayundin siguro ang nasa isip ng mga abogadong hindi nagbabayad ng tamang buwis, na naniniwala sa kanilang sarili na kaya nilang paikutan ang batas.
Marahil ay panahon na para seryosohin ng BIR ang paghahabol sa mga propesyunal na magulang sa binabayarang buwis. Kailangan lang sigurong magpakita ng “sampol” ang gobyerno at kasuhan ang mga ito para makita nilang seryoso ang kampanya ng gobyerno.
Tiyak na magiging magandang eksena sa balita kapag ipinarada ang mga doktor, abogado at accountant na nagpapalusot sa kanilang buwis.
Malay natin, ang abogado ang hahawak sa kaso ng doktor, at ang doktor ang titingin sa accountant kapag inatake ito ng altapresyon sa nerbiyos. Iyon nga lang, dapat magugulang sila sa pera, baka hindi sila magkasundo sa sisingilin nilang professional fee sa isa’t isa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, August 12, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment