Friday, May 10, 2013

Nasa ayos ang lahat!




Nasa ayos ang lahat!
REY MARFIL



Hindi ba't kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na bumuo sa inter-agency committee na naglalayong palakasin ang kampanya ng kanyang pamahalaan laban sa extra-judicial killings at ibang porma ng paglabag at pang-aabuso sa karapatang-pantao sa bansa?
Magandang senyales ito sa panig ng pamahalaan na tumitiyak na ginagawa ang lahat ng makakaya para pigilan ang karahasan sa bansa.
Ibig sabihin nito na hindi titigil si PNoy sa mga hakbangin nito na supilin ang pandarahas maging sa mga mamamahayag, at iba pa. Tiwala tayong epektibong maipatutupad ng pamahalaan ang mga polisiya nito para hulihin ang mga kriminal.
Nilikha ni PNoy ang inter-agency committee (IAC) sa pamamagitan ng Administrative Order No. 35 noong nakaraang Nobyembre para imbestigahan ang pang-aabuso sa karapatang pantao at maresolba ang naunang mga kaso.
Sa ilalim ng AO 35, tumatayong chairperson ng IAC ang kalihim ng Department of Justice kung saan mga kasapi naman ang mga pinuno ng Presidential Human Rights Committee, mga kalihim ng Department of Interior and Local Government at National Defense, presidential advisers ng Peace Process and Political Affairs, chief-of-staff ng Armed Forces of the Philippines, chief ng Philippine National Police at director ng National Bureau of Investigation.
Nakamasid naman at resource persons ang chairperson ng Commission on Human Rights at Ombudsman sa IAC.
***
Hindi lang 'yan, tiwala ang sambayanan sa mataas na kakayahan ng administrasyong Aquino na tiyakin ang malaya, maayos, matapat, mapayapa at kapani-paniwalang halalan sa bansa.
Sa katunayan, naglatag na ang kinauukulang law enforcement agencies ng kanilang mga plano sa ilalim ng matuwid na daang kampanya ni PNoy at nagpatawag ng command conference ang Punong Ehekutibo noong Miyerkules upang tiyakin ang seguridad ng publiko ngayong halalan.
Inilunsad na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang "Oplan Last Two Weeks" para magamit nang husto ng ahensya at Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tao sa iba't ibang panig ng bansa sa araw ng halalan.
Masidhi rin ang koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa PNP para epektibo nilang maisakatuparan ang kanilang mandato na tiyakin ang maayos na halalan at kaligtasan ng publiko.
Nagsagawa pa ang DILG ng Operation Last Two Weeks para talakayin ang paghahanda ng seguridad.
Kabilang dito ang paghayag sa bilang ng nabuwag na armadong mga grupo at dami ng nakumpiskang mga armas.
Inatasan rin ni PNoy ang DILG, PNP, AFP at iba pang mga ahensya ng pamahalaan na palakasin at doblehin ang pagsisikap sa kanilang paghahanda sa seguridad.
Maaari na nating masabi ngayon na talagang ang tunay na tinig ng mga tao ang lalabas sa mga resulta ng halalan.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: