Wednesday, May 15, 2013

Dumarami sila!


Dumarami sila!
REY MARFIL



Kabilang sa magandang bagay na ibubunga ng nangyaring pagtataas ng internasyunal na credit rating firm na Standard and Poor's (S&P) sa credit rating ng bansa patungo sa "investment grade" ang pagbabayad ng mga Pilipino ng mababang interes sa kanilang hinuhulugang mga sasakyan.
Ilan lamang ang mababang interes sa car loans sa mga benepisyo na pakikinabangan ng ordinaryong mga Pilipino sa naganap na credit upgrade sa ilalim ng matuwid na daan ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino.
Itinaas ng S&P ang rating ng bansa mula BB+ patungong BBB- dahil sa gumagandang macroeconomic fundamentals ng bansa.
Hindi naman nakakapagtaka ang naganap na upgrading dahil sa bumubuting lagay ng ekonomiya ng bansa na nag-ugat sa malinis at matuwid na pamamamahala ng administrasyong Aquino.
Asahan na natin na lalong bubuti ang estado ng pamumuhunan sa Pilipinas kung saan mahihikayat ang mga banyagang mamumuhunan na maglagak pa ng mas malaking kapital sa ating merkado.
Nangangahulungan ang karagdagang pamumuhunan ng bagong mga trabaho para sa mga Pilipino.
Nag-ugat ang panibagong positibong credit rating ng bansa matapos itaas ng S&P ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon mula 5.9% tungong 6.5%.
***
Hindi lang 'yan, tiwala ang publiko na makakamit ng administrasyong Aquino ang target na 5.5 milyong turista sa pagtatapos ng 2013. Nalampasan na nga sa unang tatlong buwan ng taon ang isang milyong banyagang turista na nakapunta sa bansa dahil sa magandang kampanya ng Department of Tourism (DOT).
Pangalawang pagkakataon ito na lumampas ng isang milyon ang bilang ng mga dayuhan na nakapasyal sa bansa sa loob ng unang tatlong buwan ng taon.
Naitala ng DOT ang nakakabilib na 1.27 milyong tu­rista na nakarating sa bansa mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon o mas mataas ng 10.76% kumpara sa 1.15 milyong mga turista na dumating sa unang tatlong buwan ng 2012.
Nangangahulugan na talagang inaani ng DOT ang magandang bunga ng kanilang pagsusumikap na ibenta sa banyagang mga turista ang magagandang tanawin sa Pilipinas.
Para makamit ang 5.5 milyong turista na target ngayong taon at 10 milyon sa 2016, masigasig ang DOT sa kanilang kooperasyon sa kinauukulang mga ahensya sa ibang bansa na sinasabayan naman ng pagpapaunlad ng pamahalaan sa ating mga imprastraktura para marating ang magagandang mga tanawin sa bansa.
Nananatiling nangungunang bumibisita sa bansa ang mga taga-Korea na mayroong 25.83% porsiyento o kabuuang 328,454 Koreans na sinundan ng 14.63% o 186,065 na mga turista sa Estados Unidos (US).
Nasa ikatlong posisyon naman ang Japanese na nakapagtala ng 114,269 turista na nakarating sa bansa o 8.99%.
Sumunod dito ang China na mayroong 98,242 at 53,867 bisita naman mula sa Taiwan. Tumaas naman sa 23.93% ang bilang ng mga turista mula Korea, pinakamalaking pagtaas sa limang nangungunang nationals na nakapunta sa bansa.
Kabilang rin sa mga bumibisita sa bansa ang mga Australians na mayroong 53,679; 41,524 Singaporeans; 38,486 Canadians; 36,005 Hong Kong nationals; 32,475 na nanggaling sa United Kingdom; 27,212 Malaysians; at 22,491 Germans.
Nandiyan rin ang 26.9% pagtaas sa bilang ng mga tu­rista na nakarating sa Pilipinas mula sa Russian Federation, tumaas rin ng 25.04% ang bilang ng Hong Kong nationals, 23.93% sa Korea, 22.1% sa India, 15.42% sa Singapore, 12.65% sa Australia, at 11.86% sa Malaysia.
Sa pangkalahatan, tumaas ang merkado ng ASEAN ng 14.82% habang 14.15% sa East Asia.

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: