Higit pa sa 'ka-epalan' | |
Bukod sa usapin ng dinastiya, nauso ngayong halalan ang katagang "epal politicians" na ikinakampanya ng ilang grupo na ibasura ng mga botante o huwag suportahan.
Kung tutuusin, mahirap pagtalunan ang usapin ng dinastiya dahil sa totoo lang, mayroon naman talagang angkan ng mga pulitiko na mahusay magsilbi sa kanilang nasasakupan kaya sila nananalo.
Bukod pa riyan, automated na rin ang halalan ngayon kaya nasa tao na talaga ang pagpapasya kung nais nilang ipamana sa kamag-anak ng magtatapos na opisyal ang iiwanan niyang puwesto.
Ganuon din naman sa usapin ng mga "epal", o pulitikong dumidiskarte para makilala sila ng publiko gaya ng paglalagay ng poster sa iba't ibang lugar, o paglalagay ng pagmumukha nila sa ipinamimigay nilang produkto.
Pero mayroong higit na mahalagang isyu tuwing halalan na dapat tutukan at kondenahin nang walang humpay ng lahat ng sektor na nagmamalasakit sa malinis, tapat at maayos na eleksyon ang karahasan.
Ang mga pulitiko na gumagawa ng karahasan ay wala nang puwang sa itinataguyod na daang matuwid ng administrasyong Aquino. Walang mapapalang maganda ang mga tao kung ang mauupo nilang opisyal ay gumamit ng dahas.
Hindi na nga natin mabilang ang mga biktima ngayon ng karahasan sa halalan partikular sa lokal na posisyon. Ang masaklap pa nito, hindi lang ang mga kandidato ang pinupuntirya ng mga pag-atake kundi maging ang kanilang pamilya at mga tagasuporta.
***
Ang pinakabagong biktima ng karahasan ngayong eleksyon ay ang kumakandidatong alkalde sa bayan ng San Jose, Tarlac. Pinagbabaril siya ng mga hindi pa kilalang suspek sa gitna ng kanyang pangangampanya.
Sa Iloilo naman, pinagbabaril din ng mga salarin ang asawa ng re-electionist mayor ng Lemery. Isang kasamahan niya ang malubhang nasugatan.
Ngunit maliban sa kanilang uri ng mga karahasan, hindi maaalis na paghinalaan na mayroong mga pulitiko na isinasakripisyo ang mismo nilang mga tauhan o tagasuporta para ibintang sa kalaban ang krimen.
Mayroon ding mga pulitiko o lider na sa halip na sila ang maging ehemplo ng kaayusan ay sila pa ang nangunguna at nagsusulsol sa kanilang mga tagasuporta na gumawa ng hakbang para makalikha ng karahasan sa kanilang lugar.
Sa ganitong paraan kasi, maaari nilang palabasin na magulo sa kanilang bayan at makikiusap sa Comelec na isailalim sa kontrol ang kanilang bayan upang mabawasan ang kapangyarihan ng katunggali nilang nakaupong opisyal.
Nakalulungkot dahil sa pag-usad ng panahon, nagbago ang sistema ng halalan pero hindi ang mentalidad ng ilang kandidato. Hindi pa rin sila maka-move on sa "3G" o tatlong "G", as in guns, goons and gold.
Higit sa mabilis na pagbilang ng mga boto, dapat ding hanapan ng lunas na matigil na ang mga karahasan tuwing halalan. Sa bagay na ito ay malaki at mahalaga ang papel na gagampanan ng ating mga mamamayan huwag tangkilikin ang mga kandidatong may bahid ng dugo ang kamay.
Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment