2013 muna! | |
Pagkatapos ng mid-term elections ngayong 2013, bibilang muli tayo ng panibagong tatlong taon para naman sa presidential elections sa 2016.
Ngunit ngayon pa lamang, may ilan nang naglalabasang espekulasyon kung sinu-sino ang posibleng magkampihan at kung sino ang maglalaban-laban.
Isa na nga marahil sa pinakapaboritong petsa ng mga kababayan natin sa kalendaryo ang araw ng halalan. Bakit nga naman hindi, ito lang naman ang panahon na napapansin tayo ng mga opisyal sa ating gobyerno para ligawan ang ating boto.
At sa araw ding ito ay nagiging pantay ang mga mahihirap at mayayaman dahil pare-pareho tayong tig-isang boto lamang, maliban na lamang iyong mga nakalulusot na flying voters sa kung saan-saang lugar.
Gaya ng mga nagdaang halalan, nagbatuhan ng putik ang ilang kandidato sa iba’t ibang posisyon na pinaglalabanan. Tubong lugaw na naman ang mga telecom companies dahil marami silang SIM card na naibenta na ginamit ng mga dirty trick department ng ibang kandidato para manira o magpapogi sa paraan na kung tawagin ay text brigade.
Ngunit sana lang, hangad natin na tanggapin ng mga kandidato at igalang ang pasya ng mamamayan. Tanggapin sana ng mga natalo ang desisyon, at iabot naman sana ng mga nanalo ang kamay ng pagkakaisa sa kalaban kahit pa nasaktan sila sa siraan ng kampanya.
***
Dito sa atin, dalawang uri lang daw ang kandidato ang mga nanalo at nadadaya. Wala raw natatalo. Pero hindi tayo naniniwala doon, marami pa rin naman sa ating mga kandidato ang magalang na tumatanggap ng pagkatalo at nakikipagtulungan din sa kandidatong nanalo.
Kung tutuusin, kung sadyang paglilingkod at ikabubuti ng kanilang nasasakupan ang tunay na pakay ng kanilang kandidato, hindi ba magiging mas mabilis ang katuparan ng mithiing ito kung ang natalo ay makikiisa o hindi hahadlang sa mga magiging programa ng nanalo? Iyan naman ay kung matino at may malasakit din sa bayan ang nanalo.
Kaya naman hangad natin na kung sino man sa mga kandidatong senador ang mananalo, sana’y isantabi nila ang pulitika at tulungan si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa nalalabing tatlong taon nito sa Palasyo para maipatupad ang lahat ng reporma sa gobyerno na kanyang nais mangyari.
Hindi kasi maikakaila na mayroon ding mga pulitiko na nakatuon na agad sa 2016 ang kanilang atensyon kaya ang kanilang mga magiging diskarte ay baka maapektuhan ng kanilang plano sa susunod na halalan.
Sana lang, isantabi muna nila ang malayo pang halalan at ituon ang pansin sa kasalukuyang mga problema ng bayan na kailangan ng solusyon.
Kailangang-kailangan ni PNoy ang tulong ng lehislatura upang maipasa ang mga panukalang batas na magagamit para maipagpatuloy ang mga reporma na nais niyang maisakatuparan.
Napakaganda ng mga nasimulan ng Pangulo tulad sa aspeto ng ekonomiya kung saan nakabawi na ang imahe ng bansa sa mga dayuhang rating firm.
Nakabuwelo na rin ang ating sektor ng agrikultura kung saan nagawa na muli nating maging rice sufficient kaya naman nakapagpaluwas o export na uli tayo ng bigas sa ibang bansa.
Kahit limitado lang sa ngayon, magandang panimula na ito para makapagsanay tayo pagdating ng panahon na mas maraming produkto na ang ating i-export.
Maliban sa malinis at mapayapang halalan, hangad rin natin na mangibabaw sa mga mananalo ang pagmamalasakit din sa bayan upang unahin nila ang pakikipagtulungan kay PNoy upang tuluyang maiahon sa hirap ang marami nating kababayan kaysa isipin ang susunod na eleksyon.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment