Monday, May 20, 2013

‘Ang kay Juan ay kay Juan’



‘Ang kay Juan ay kay Juan’
REY MARFIL


Dapat suportahan ang posisyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na hindi magkaroon ng anumang hindi magandang pangyayari, lalung-lalo na sa relasyon ng Taiwan at Pilipinas, ang kamatayan ng isang mangingisdang Taiwanese na sinasabing nagtangkang sagasaan ang sasakyan ng Philippine Coast Guard kamakailan na sumita sa kanyang ilegal na pangingisda.
Maganda rin ang agarang pagharap ni Pangulong Aquino sa isyu matapos bumoto sa Tarlac sa gitna ng banta ng pamahalaang Taiwan na magpapataw ng parusa sa pamahalaang Pilipinas, kabilang ang hindi pagkuha sa serbisyo ng overseas Filipino workers (OFWs) at pagpapauwi ng kanilang kinatawan sa bansa.
Hindi rin talaga makakatulong kung patuloy na magsasalita o magbibigay ng mga komento ang dalawang magkabilang panig dahil inaasahang lalong tataas lamang ang tensyon.
Mabuti rin ang naging desisyon ni PNoy na ipasiyasat nang mabuti ang nangyaring pamamaril upang malaman ang puno’t dulo ng nangyaring insidente at rebyuhin ang umiiral na mga proseso.
Patuloy ang pakikipag-usap ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanilang katulad na mga opisyal sa Taiwan upang tiyakin na hindi magkakaroon ng negatibong epekto sa relasyon ng dalawang bansa ang pangyayari.
Naunang humingi ng paumanhin ang pamahalaan sa pamamagitan ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) resident representative sa Taipei na si Antonio Basilio at nagpahatid ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing mangingisdang Taiwanese.
Sa kabila ng malungkot na pangyayaring ito, patuloy na ipagtatanggol ng bansa ang teritoryo nito sa karagatan laban sa ilegal na mga mangingisda, as in “Ang kay Juan ay kay Juan”.
***
Napag-usapan ang eleksyon, maganda ang naging pahayag ng Malacañang na hindi ito manghihimasok sa susunod na komposisyon ng Senado na inaasahang magpapatingkad sa pagiging independiyente ng institusyon.
Tama si PNoy sa pagsasabing ipauubaya niya sa ma­talinong desisyon ng mga senador kung sino ang kanilang nais na maging Senate President. Sa ngayon, pinamumunuan ang institusyon ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Kung talagang nais ng mga senador sa pangunguna ni Sen. Antonio Trillanes IV, pangunahing kritiko ni Enrile, na palitan ang 87-anyos na mambabatas at iluklok si Sen. Franklin Drilon, tumayong Team PNoy campaign manager, isa itong malayang pagkilos at desisyon ng mga mambabatas.
Sa ganitong paniniyak, hindi na dapat isangkot pa ng mga kritiko ng pamahalaan si PNoy sa anumang magiging desisyon ng mga senador sa pagbubukas ng ika-16 na Kongreso sa ika-apat na Lunes ng Hulyo.
Aminin man o hindi ng mga kritiko, ang matinong pamamahala ni PNoy ang nasa likod ng naging mapayapa sa pangkalahatang halalan. 
Bagama’t nagkaroon ng kaunting aberya sa counting machine, ilang insidente ng kawalan ng kuryente at ilang kaso ng karahasan, nakamit naman ng mga tao ang kanilang karapatang mamili ng mga lider kung saan naitala ang 70% pagboto ng 52,014,648 rehistradong mga botante.
Sa katunayan, naging mabilis ang proklamasyon ng mga lokal na kandidato, kabilang ang mainit na labanan sa Lungsod ng Maynila kung saan nanalo si Mayor-elect Joseph Estrada. Mga katibayan ito na buhay na buhay ang demokrasya sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Binabati natin ang mga ahensya ng pamahalaan na nasa likod ng tagumpay na ito sa pangunguna ng Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pa at maging ang malaking sakripisyo ng matatapang at masisipag na mga guro na tumulong sa pagkamit ng mapayapa, kapani-paniwala, maayos at matiwasay na halalan.
Kung hindi dahil sa matuwid na pamamalakad ni PNoy, asahan na nating naghari na naman ang iba’t ibang porma ng dayaan na makakasira sa sistema ng halalan sa bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: