Friday, May 17, 2013

Grading period!




Grading period!
REY MARFIL

Nagsalita na ang mga mamamayan at naihalal na ang mga bagong pinuno ng bayan.
Sa kabila ng ilang naitalang mga karahasan at aberya, sa pangkalahatan, matiwasay na nairaos ang mapayapang halalan.
Dapat na maging masaya ang lahat sa naging resulta ng katatapos na eleksyon, hindi lamang sa pagkapanalo ng maraming kaalyadong kandidato sa lokal at mga senador, kundi dahil ito ang unang halalan sa ilalim ng tuwid na pamamahala ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino.
Ang susunod na halalan bago matapos ang nalalabing tatlo pang taon na termino ni PNoy ay ang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa darating na Oktubre at ang presidential elections sa 2016.
Ang pangunguna ng 9 sa 12 kandidatong senador ng Team PNoy sa partial at unofficial count ng Comelec ay indikasyon ng "vote of confidence" o tiwala ng mamamayan sa liderato ni Pangulong Aquino.
Ang dagdag na kaalyado ng administrasyon sa Senado ay mangangahulugan ng dagdag na makakasama niya upang isulong ang mga panukalang batas na itataguyod ni PNoy para sa kagalingan ng mga mamamayan at ng bansa.
Itinuturing na "referendum" o "grading period" sa isang administrasyon ang "midterm elections" gaya ng katatapos lang na halalan.
Kung hindi natutuwa ang mga mamamayan sa ginagawa ng nakaupong administrasyon, pihadong hindi nila iboboto ang mga kandidato nito sa lokal lalo na sa nasyunal na posisyon o sa Senado.
Pero dahil sa lumilitaw sa mga paunang bilang ng mga boto sa Senado na 9 sa 12 kandidato ng Team PNoy ang makakapasok sa susunod na pagbubukas ng sesyon ng Kongreso, hi­git pa sa kumpiyansa ang ipinakitang pagtitiwala ng ating mga kababayan kay PNoy.
***
Napag-uusapan ang resulta ng eleksyon, lumilitaw ding maraming kandidatong kongresista ng administrasyon ang namamayani sa bilangan kaya asahan na ring makakakuha ng lubos na suporta si PNoy sa Mababang Kapulungan.
Idagdag pa diyan ang mga kandidato sa lokal na posisyon tulad ng gobernador, bise gobernor, alkalde, bise alkalde at mga konsehal.
Ngunit hindi naman natin makakamit ang mapayapang halalan kung hindi sa pagsisikap ng ating mga opisyal sa Commission on Elections (Comelec), sa pagpupursige ng mga guro at mga nagsilbing Board of Election Inspectors (BEIs), sa pagbabantay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang bolunterismo ng mga mamamayan na nagsilbing poll watchers, at maging ang mapanuring media na katuwang sa pagpapakalat ng impormasyon.
Kung nagkaroon man ng ilang kaguluhan dahil sa init ng tunggalian ng mga naglalabang kandidato, kung may mga PCOS machine man na nagkaaberya dahil sa teknikal na kadahilanan, o iba pang aberya tulot ng kalikasan, sa pangkalahatan ay matiwasay natin na naidaos ang ikalawang pambansang halalan gamit ang modernong sistema ng automation.
Marahil ay masasabi natin na hindi pa natin ganap na perpekto ang sistemang ito, pero ang lahat ng bagay ay mayroong "room for improvement" 'ika nga. Ikalawang pagkakataon pa lamang ito sa ating kasaysayan kaya maaari pang paghusayin ang anumang pagkukulang.
Ang mahalaga ay magawa natin ang isang sagradong bagay sa isang demokrastikong bansa ang mapayapang halalan.
Wala ring saysay ang paghahanda sa halalan kung wala ang mga kababayan natin na nagtungo sa mga presinto para bumoto. Kaya lahat tayo ay may bahagi sa matagumpay na eleksyong ito.
Kasabay nito, asahan natin na lalo pang pag-iibayuhin ng administrasyong Aquino ang pagsisikap na maiangat ang ekonomiya at kabuhayan ng mga mamamayan sa panibagong tiwala na ipinagkaloob sa kanya ng mga ito, na una na nilang ginawa mula nang iboto siyang Pangulo noong 2010 elections.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: