Friday, May 3, 2013

Mas masipag!



Mas masipag!
REY MARFIL


Mayroon basehang ikonsidera ng publiko ang apela ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na ihalal ang 12 kandidato nito sa Senado sa ilalim ng Liberal Party-led coalition na Team PNoy.
Kung mailuluklok sa Senado ang 12 senatorial candidates, matitiyak nating magtutuluy-tuloy ang magagandang mga repormang nasimulan ng administrasyong Aquino sa susunod na tatlong taon.
Sa ngayon, siyam sa 12 kandidato ng Pangulo ang pasok sa winning circle o tinatawag na Magic 12 base sa resulta ng iba't ibang pre-election surveys.
Malinaw sa pagpasok ng mayorya ng mga kandidato ni PNoy na kinikilala ng publiko ang malinis nitong pamamahala na epektibo upang maisulong ang magandang ekonomiya ng Pilipinas.
Kapuri-puri rin ang "extra effort" na ginagawa ni PNoy para matulungan ang tatlo pa niyang mga kandidato na makahabol at makapasok sa winning circle sa pamamagitan ng patuloy na pagkumbinse sa mga lokal na lider na kaalyado ng administrasyon na suportahan ang kanyang mga kandidato.
Hindi naman talaga imposible na makuha ang 12-0 para sa mga kandidato ni PNoy lalo't malinis at mabuting pamamahala ang ibinebenta nito sa publiko. Ang komento nga ni Mang Kanor: Mas masipag pang mangampanya ni PNoy kumpara sa ilang senatoriables.
***
Nananatiling nakatutok ang pamahalaan sa paglikha ng disenteng mga trabaho para sa mga Filipino sa urban areas at malalayong mga lugar sa buong bansa para matiyak na mababawasan ang kahirapan.
Hindi naman talaga nangangahulugang lalong naghirap ang mga Pilipino matapos lumabas ang ulat na nananatiling hindi nagbago ang porsiyento ng mga taong nanatiling mahirap sa nakalipas na anim na taon.
Numero noong 2006 at 2012 ang pinagbatayan, as in hindi kasalukuyang datos ang resulta ng pananaliksik na isinagawa ng National Statistical Coordination Board (NSCB) sa unang anim na buwan ng nakalipas na taon o unang kalahati lamang ng 2012.
Malaki ang kumpiyansa ko na magiging mabuti ang resulta ng numero ng susunod na estadistika kaugnay sa mga mahihirap na Filipino dahil na rin sa masigasig na pagsusulong ng pamahalaan ng pro-poor programs.
Kung inyong matatandaan, lumago ang ekonomiya ng bansa ng 5.9% na nirebisa kinalaunan sa 6% sa ikalawang semestre ng 2012 o panahong matapos isagawa ang survey.
Sa ikatlong quarter ng 2012, lumago ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa 7.1%, umangat ang sektor ng pa­ngisdaan sa 4.1% mula sa .7% ng ikalawang quarter ng 2012.
Sa ikaapat na quarter, naitala ang 6.8% GDP at 4.7% namang paglago sa agricultural-fisheries na sektor.
Nakatulong dito ang tumataas na pamumuhunan ng mga pribadong sektor dahil sa kanilang malaking kumpiyansa sa pamahalaan at pagtaas rin ng salaping ginugugol ng pamahalaan sa magagandang mga programa nito.
Nangunguna sa paglikha ng trabaho ang Human Development and Poverty Reduction Cabinet cluster.
Mayroon ring iba't ibang mga programa para suportahan ang mga magsasaka para sumulong ang sektor agrikultural.
Higit na mahalaga sa ngayon ang patuloy na pag-alalay ng pamahalaan sa mga magsasaka para maunawaan ang mga makabagong teknolohiya at pinagmumulan ng puhunan.
Kaya naman ating asahan ang mas malaking positibong pagbabago ng mga numero kaugnay sa isyu ng kahirapan dahil hindi tumitigil si PNoy sa pagtulong sa mga mahihirap.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: