Friday, May 24, 2013

Mamuhunan sa edukasyon!


Mamuhunan sa edukasyon!
REY MARFIL


May kasabihan ang ating mga nakatatanda: "Mag-aral habang bata pa dahil ito lamang ang kayamanan na maipamamana ng ating mga magulang na hindi mananakaw ninuman."
Ngayon, ang pamanang ito ay nais dagdagan ng pamahalaan sa pamamagitan ng K to 12 Program.
Kamakailan lang ay nilagdaan na ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang batas na inaasahang magsisilbing pundasyon para sa mas magandang kinabukasan ng ating mga kabataan, ang Enhanced Basic Education Act of 2013 o mas kilala bilang ang K to 12 Act.
Sa ilalim ng naturang batas, madadagdagan ng dalawang taon ang kasalukuyang 10 taong education system sa ating bansa.
Layunin nito na lalo pang mahasa at maihanda ang mga mag-aaral sa kanilang pagsabak sa pag-aaral hanggang sa makatapos sa kolehiyo at pumalaot sa mundo ng paggawa kung saan matindi ang kompetisyon.
Sa halip na tingnan bilang dagdag na taon sa ilalagi sa eskwelahan, higit na dapat itrato ang K to 12 Program na dagdag-karunungan ng mga kabataan na pakikinabangan nila pagdating ng pagtungtong sa kolehiyo, na isang hakbang na lang tungo sa tunay na laban ng kanilang buhay ang pagsabak sa trabaho.
Sa ngayon, napag-iwanan na ang Pilipinas sa sistema ng edukasyon kung saan napako tayo sa 10 taong basic education system. Kaya naman hindi kataka-taka na sa mundo ng tumitinding kompetisyon, medyo nadedehado ang ating mga kabataan kumpara sa mga mag-aaral sa ibang bansa.
Sa pamamagitan ng bagong batas na ito sa edukasyon, magkakaroon ng mas mataas na antas ng kaalaman sa ating mga kabataan at makakasabay sa hamon ng kaunlaran.
***
Sa ilalim ng programa, itatatag na ang universal kindergarten sa mga pampubliko at pribadong paaralan, gagamitin ang tinatawag na "mother tongue" sa unang tatlong (3) taon sa elementary.
Hindi lang 'yan, makakaroon ng senior high school kung saan makakapili ang mag-aaral ng specialized tracks para sa akademya, technical education, at sports and arts, na maghahanda sa kanila sa tatahaking kurso sa pag-akyat sa kolehiyo.
Ang kagandahan nito, dahil mayroon nang kaalaman sa technical education bago pa man sila umakyat ng kolehiyo, ang mga mag-aaral na hirap sa buhay ay maaari nang mag-part time job, gamit ang kanilang natutunan sa senior high school upang matustusan ang gastusin sa kanilang pagko-kolehiyo.
Ang programang ito ay bahagi lamang ng pangkalahatang layunin ng pamahalaang Aquino na maitaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Kasama rin dito ang pagtugon sa matagal nang problema sa kakulangan ng mga silid-aralan, libro, guro at iba.
Sa ngayon, natugunan na ang problema sa kakulangan ng mga libro at upuan, at inaasahang malulutas na rin ang kakulangan ng mga silid-aralan at guro sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaki pang pondo sa edukasyon.
Sa katunayan, mula sa mahigit P161 bilyong pondo sa edukasyon noong 2010, naitaas na ito sa mahigit P232 bil­yon ngayong 2013.
Ngunit huwag asahan na kaagad mararamdaman ang benipisyo ng K to 12 Program sa susunod na taon o dalawang (2) taon mula ngayon o sa malapit na hinaharap.
Ang programa ay magsisimula pa lamang at bibilang pa ng ilang taon bago makapagtapos ang bagong sibol ng mga mag-aaral na silang makikinabang sa pinahusay na sistema ng edukasyon sa bansa.
At sa magiging tagumpay ng mga kabataan sa kanilang buhay bunga ng programa ito, asahan din na makikinabang dito ang lipunan at bansa dahil higit na silang may kakayahan na makahanap ng trabaho at hindi lamang basta mga nagsipagtapos na tanging diploma ang maipakikitang kayamanan sa kanilang mga magulang.

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: