Wednesday, May 29, 2013

Magbasa at magsulat!



Magbasa at magsulat!
REY MARFIL


Isang nakakaantig na larawan ang naging viral sa social networking site na Facebook kamakailan na nagpapakita ng larawan ng isang gusgusing bata, na nakayapak, at nakasalampak sa sahig.
Ang kakaiba sa larawang ito, nakasalampak ang musmos na bata hindi sa sahig ng bangketa kundi sa loob ng isang book store.
Nasa loob ng book store ang mukhang pulubing bata hindi para manglimos kundi para magbasa ng libro. Dahil hindi naman tayo araw-araw na nakakakita ng “book worm” na pulubi, naging pambihira ang larawan kaya mabilis itong kumalat sa internet.
Katunayan, na-feature rin ang bata sa isang television network, na indikasyon na sadyang kakaiba ang ipinakitang interes ng bata.
Bakit nga ba pumatok sa paningin ng marami ang larawan ng bata na marahil ay nasa pito (7) o walong (8) taon pa lamang?
Una, hindi maganda ang damit niya at walang sapin sa paa pero pinayagan siyang makapasok sa book store at magbasa ng libro; ikalawa, libro ang tangan ng bata, gayung ang kadalasan na pulubi na ating nakikita sa kalye, kundi man namamalimos ay sumisinghot ng solvent o rugby.
Samantala, masdan din naman natin ang mga batang maayos o magaganda ang kasuotan at sapatos na nasa mall, marahil sa 10 bata, masuwerte na tayo kung makakita ng isa na nagbabasa ng libro sa loob ng book store. Tiyak kasi na ang dala nila at pinagkakaabalahan, kung hindi cellphone, iPad o kaya ay tablet, at busy sa paglalaro ng games.
Sa isang bansa na katulad natin na mayroon pa ring mga lumalaki na hindi marunong bumasa at sumulat, magandang ehemplo ang ipinakita ng batang gusgusin na nagbabasa ng libro sa loob ng book store.
***
Napag-usapan ang bata, magandang hakbang rin ang ginawang paglagda ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Republic Act 10556 na nagdedeklara bilang “Araw ng Pagbasa” ang Nobyembre 27, na kaarawan ng kanyang namayapang ama na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.
Sa ilalim ng nabanggit na bagong batas, inaatasan ang Department of Education (DepEd) na pangunahan ang story-telling at reading sessions sa lahat ng elementary at secondary schools sa buong bansa.
Ang pagbabasa ay maaaring gawin sa regional languages o dayalekto sa lugar na mas madaling mauunawaan ng mga bata, bukod pa siyempre ang Filipino at English.
Sa pamamagitan ng nasabing batas, inaasahang makatutulong ito para mapaunlad ang interes ng mga kabataan sa pagbabasa at mapalaganap rin at mapreserba ang kulturang Pilipino, maging ang ginawang pag-aalay ng buhay ni Ninoy para sa demokrasya ng bansa.
Kaysa nga naman lumabo ang mga mata ng mga bata ngayon dahil sa paglalaro ng Candy Crush at kung anu-ano pang electronic games, hindi ba’t mas magiging kapaki-pakinabang sa kanilang paglaki ang matuto silang bumasa?
Sa tumitinding kompetisyon sa mundo ng labor market, bago natin problemahin ang tinatawag na “mismatch” o hindi tugmang kurso na kinuha ng aplikante sa bakanteng trabaho, dapat na tutukan muna ang pangunahing usapin sa paghahanda sa ating kabataan sa edukasyon ang matuto silang bumasa at sumulat.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: