Ibang-iba ngayon! | |
May panibagong magandang balita na ang Standard and Poor's (S&P) ay nagbigay ng panibagong positibong investment rating na garantisadong magbibigay ng dagdag na kumpiyansa sa katatagan ng ekonomiya ng ating bansa.
Mula sa dating BB+ rating, iniangat ng S&P ang kanilang pananaw sa katatagan ng ekonomiya ng Pilipinas sa BBB-. Ang marka ay ipinagkaloob ng S&P, ilang buwan pa lang ang nakararaan makaraan din tayong pagkalooban ng positibo ring marka mula sa Fitch Rating.
Marahil ang tanong ng iba nating kababayan, "eh ano naman ngayon kung maging positibo ang mga rating na nakukuha ng ekonomiya ng Pilipinas? Eh hindi naman nadadagdagan ang trabaho sa atin.
Marami pa rin sa atin ang mahirap."
Ang pagkakaroon ng mga ganitong positibong marka sa ating bansa ay mahalaga sa ating ekonomiya lalo na sa paghikayat ng mga namumuhunan at sa paghiram ng pondo sa ibang bansa.
Huwag sana nating kalimutan na ngayon lang nakababawi ang imahe ng ating ekonomiya mula sa pagkakasubsob ng nagdaang mga administrasyon.
Dapat ding tandaan na sa siyam (9) na taong termino ng nakaraang liderato, pawang negatibo ang marka na nakamit ng ating ekonomiya. Kaya naman hindi rin kataka-taka na lumobo rin ang ating utang-panlabas dahil sa mataas na interes na kinukuha sa mga inuutang natin sa mga dayuhan.
***
Ang positibong marka na nakakamit ng halos tatlong taon pa lamang na liderato ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ay isang napakagandang balita sa ating ekonomiya. Una, pagpapakita ito na lalong lumalakas ang kumpiyansa ng mga dayuhan sa katatagan ng ating pananalapi; ikalawa, magbibigay din ito ng tiwala sa mga dayuhang nagpapautang na kaya nating magbayad ng ating hihiramin.
Dahil sa mga positibong marka na ito, maaaring humiram ng pondo ang ating gobyerno sa mga dayuhang nagpapautang sa mas maliit na interes. Dahil mas malaki ang tiyansa ng isang bansa na hindi makapagbayad kapag mababa ang investment ratings, natural na maniningil ng mas mataas na interes ang mga nagpapautang.
Kaya hindi magiging kataka-taka kung may mga dayuhang nagpapautang na naghihikayat na sa atin ngayon na mangutang tayo sa kanila dahil tiwala sila na kaya natin silang bayaran.
Hindi katulad ng ibang bansa na mababa ang marka, na sila pa ang naghahanap ng mauutangan ng pondo o baka walang mahiraman.
Dahil mataas ang kumpiyansa ng mga dayuhang nagpapautang sa ating mga Pilipino, maaaring humiram ng pondo ang ating gobyerno na magagamit nito sa pagpapatayo ng mga dagdag na paaralan, pagpapagawa ng mga farm-to-market roads, irigasyon, at iba pang proyekto na magpapalakas sa ating sektor ng agrikultura.
Ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura ang isa sa mga layunin ng gobyerno para makalikha ng mga trabaho sa bukirin at mabawasan ang bilang ng mga walang hanapbuhay.
Bukod diyan, masisiguro ang suplay ng ating pagkain, at matutuloy ang isang hangarin ni Pangulong Aquino na makapag-export na muli tayo ng bigas sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment