Ayaw ni PNoy! | |
Hindi ba't kapuri-puri ang desisyon ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na lagdaan ang Administrative Order (AO) No. 38 na lumikha sa Task Force on Ease of Doing Business (EODB Task Force) na naglalayong pabilisin ang proseso ng pagtatayo ng negosyo sa bansa?
Panibagong reporma na naman ito na siguradong magpapataas sa "competitiveness ranking" ng bansa sa buong mundo at lalo pang mapabuti ang pagkakaroon ng negosyo sa bansa.
Ginawa ang bagong plano ng National Competitiveness Council (NCC) at nakikita itong susi upang lalong umangat ang estado ng bansa sa survey lalo't mandato nitong ipatupad nang buo ang Gameplan for Competitiveness na inendorso ng Economic Development Cluster.
Sa ngayon, nasa ika-138th mula sa hanay ng 185 mga bansa ang ranggo ng Pilipinas sa buong mundo, ikawalo sa kabuuang 10 kasaping Association of South East Asian Nations (ASEAN) sa isinagawang Doing Business Survey (DBS) ng World Bank International Finance Corporation (IFC).
Isang estratehiya ang Gameplan for Competitiveness na naglalatag ng reporma para mapabuti ang serbisyo ng mga ahensya ng pamahalaan base sa 10 indicators na nagiging batayan sa magiging estado ng bansa sa DBS.
Tutukuyin rin dito ang pangunahing mga lugar para lumahok ang pribado at pampublikong mga sektor upang mapataas ang ranggo sa pandaigdigang kakayahan ng bansa sa negosyo.
Sinusukat ng IFC survey ang regulasyon sa negosyo sa pamamagitan ng 10 indicators na kinabibilangan ng pagsisimula ng negosyo, pagkuha ng mga permiso, pagkakaroon ng kuryente, pagrehistro ng mga ari-arian, pagkuha ng utang, proteksyon sa mga mamumuhunan, pagbabayad ng buwis, pakikipagpalitan ng kalakal, implementasyon ng mga kontrata at pagresolba sa mga nabangkarote.
Sa ilalim ng AO No. 38, pangungunahan ang task force ng kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) kung saan magiging kasapi naman ang mga kinatawan ng NCC; Departments of Finance (DOF), Interior and Local Government (DILG), at Justice (DOJ); Bureaus of Internal Revenue (BIR) at Customs (BOC); Land Registration Authority (LRA); Credit Information Corp. (CIC); Securities and Exchange Commission (SEC); Social Security System (SSS); Home Development Mutual Fund (HDMF); at Philippine Health Insurance Corp. (PHIC).
Maganda rin ang panawagan ni PNoy para sa partisipasyon at ayuda ng kinauukulang mga lokal na pamahalaan, pribado at mga pampublikong mga institusyon, kabilang ang government-owned and controlled corporations (GOCCs) sa implementasyon ng programa na nakapaloob sa Gameplan for Competitiveness para sa lalong ikatatagumpay ng mga reporma.
Siguradong maisusulong ng hakbang na ito ang mas matingkad na promosyon ng transparency at epektibong transaksyon sa negosyo.
***
Bagama't maganda ang layunin ng mga nagtutulak sa Charter Change (Cha Cha), walang choice ang publiko kundi suportahan ang paninindigan ni PNoy na ibasura ang panibagong panawagan para amyendahan ang ilang probisyon sa ekonomiya ng Saligang Batas ng 1987.
Sa paningin ng ilan, maraming butas ang Saligang Batas at napapanahon ang pagretoke, subalit iba ang pananaw ni PNoy, katulad ang paniniwalang hindi naman kailangan pang amyendahan ang Konstitusyon para lamang makaakit ng mga mamumuhunan sa panahong patuloy na lumalago at lumalakas ang ekonomiya ng bansa.
Nais ng mga mambabatas sa pangunguna nina Speaker Feliciano 'Sonny' Belmonte at Senate President Juan Ponce Enrile na isulong ang Charter Change (Cha Cha) at puntiryang luwagan ang ilang probisyon sa Konstitusyon na nagbabawal sa mga dayuhan na mag-ari ng lupa sa bansa.
Sa pananaw ni PNoy mas mabuting tutukan sa ngayon ang pagresolba sa krisis na may kinalaman sa red tape, kapayapaan at kaayusan, at kawalan ng imprastraktura.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)