Ano kaya? | |
Nakatutok ngayon ang atensyon ng pulitika sa Cebu dahil sa pagsuspendi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng anim (6) na buwan kay Governor Gwendolyn Garcia kaugnay sa reklamong administratibo na isinampa sa kanya.
Ang reklamo laban kay Garcia ay inihain sa DILG noong 2010 nang panahon na buhay pa si Sec. Jesse Robredo. Pero ngayon, dahil si Sec. Mar Roxas na ang pinuno ng DILG, madaling gamiting depensa ng kampo ni Garcia ang salitang "pulitika lang iyan."
Si Roxas kasi ang presidente ng Liberal Party, habang kaalyado naman si Garcia ng United Nationalist Alliance (UNA) na pinamumunuan ni Vice President Jejomar Binay.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, sina Binay at Roxas ang naging mahigpit na magkalaban sa nakaraang vice presidential race noong 2010 elections. At sa susunod na halalan sa 2013, ang UNA at ang koalisyon na pinangungunahan ng LP ang inaasahang magkakasagupa sa senatorial race.
Hindi lang iyan, posible rin na sina Binay at Roxas ang magharap sa presidential race sa 2016 elections.
Pero kung aalisin ang usapin ng mga magaganap na halalan at pagtutuunan ng pansin ang reklamo laban kay Garcia, maiiwan ang pangunahing isyu sa kontrobersyang ito dapat na sundin ni Garcia ang proseso ng batas at bumaba sa kapitolyo habang iniaapela ang kaso.
Sa reklamo ng namayapang dating Cebu vice governor Greg Sanchez Jr., inakusahan niya si Garcia na ginamit ang pondo ng kanyang tanggapan sa ibang pang gamitan.
Ang reklamo ay inimbestigahan ni Robredo pero hindi na naipatupad ang resulta ng kanyang imbestigasyon dahil sa trahedyang sinapit nito na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Ang tanong ni Mang Kanor: Kung buhay kaya si Robredo at ipinatupad ang suspension order kay Garcia, magrereklamo rin kaya ang UNA ng pamumulitika?
***
Napag-usapan ang kaso, bukod sa reklamo ni Sanchez, may dalawang kasong graft at isang illegal use of public funds na kinakaharap si Garcia sa Office of the Ombudsman.
Ito ay bunga ng umano'y maanomalyang pagbili ng Balili Estate noong 2008 na nagkakahalaga ng P99 milyon. Bukod daw kasi sa walang pondo ang kapitolyo tungkol sa naturang proyekto, agrabyado umano ang mga mamamayan ng Cebu sa naturang transaksyon.
Papaano kaya kung may lumabas na desisyon ang Ombudsman o maging ang Sandiganbayan tungkol sa nabanggit na mga kaso na hindi paborable kay Garcia, sasabihin ba nila na ito'y may bahid ng pulitika?
'Ika nga ni Mang Gusting: Bilang isang opisyal ng isang premyadong lalawigan, hindi magandang ehemplo na suwayin ang proseso ng batas. Hindi rin magiging maganda sa pananaw ng publiko kung maging ang iba pang matataas na opisyal ay mag-uudyok kay Garcia na manatili sa kapitolyo at huwag igalang ang kautusan ng DILG.
Sa pagtitimbang ng magkumpareng Kanor at Gusting, mas magiging kahanga-hanga sana ang gobernadora kung kinilala niya ang desisyon ng DILG, bumaba ng kapitolyo, at saka nagsampa ng petisyon sa korte para kwestyunin ang desisyon ng DILG.
Kung pumabor sa kanya ang pasya ng Korte, mapapatibay nito ang kanyang paninindigan at naipakita pa ang tamang pagsunod sa proseso ng batas. Ngunit papaano kung hindi kumampi sa kanya ang pasya ng korte, susuwayin din ba niya ang hukuman?
Hirit pa ni Mang Kanor: Kung talagang naniniwala si Garcia at mga opisyal ng UNA na nasa kanila ang suporta ng mga Cebuano, ano ang ikatatakot nila sa 2013 elections kahit wala sa kapitolyo si Garcia, maliban na lamang siguro kung mayroong alam si Garcia at ang UNA officials na taktika kung papaano magpaparami ng boto na hindi natin alam?
Alalahanin ng publiko na ang mahigit isang milyong boto ang nakuha ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Cebu ang nagpapanalo sa kanya laban kay Fernando Poe Jr. noong 2004 elections ito'y sariwa pa sa puso't isipan ng mag-inang Grace Poe at Susan Roces!
Noon, nagrereklamo ang mga kaalyado ni FPJ na nadaya sila sa Cebu ito''y nalalaman ng buong tropa sa UNA pero ngayon, full force sila sa pagtatanggol sa Garcia. Huling hirit pa ni Mang Kanor na kapitbahay ni Mang Gusting: Iyan ang malinaw na pulitika.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment