Friday, January 11, 2013

Good news sa 2013!



Good news sa 2013!
REY MARFIL




Magandang balita ang hatid ng stock market nitong Lunes matapos na magtala ng mahigit sa 6,000 level ang transaksiyon sa Philippine Stock Exchange index (PSEi) na indikasyon ng patuloy na pag-angat ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng halos tatlong taon pa lamang na administrasyon ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino.
Excited ang mga taong naglalaro sa stock market ngayong 2013 dahil inaasahan nilang magiging mas masigla ang kalakalan ngayong taon. Bakit nga naman hindi, noong nakaraang 2012, umabot sa 38 all-time high ang naitala sa merkado.
At sa pagsisimula ng kalakalan nitong Lunes, nagsara ang PSEi sa 6,044.91, mataas ng 1.23% o 73 points. Puna ng mga traders, mas marami ang dayuhan na heavy buyers, pagpapakita ng kumpiyansa ng mundo sa kalakalan sa ating bansa.
Mahigit 3.3 bilyong sapi o shares na aabot ang halaga sa P8.51 bilyon ang naikalakal; mas marami ang kumpanya na tinatawag na "nanalo" o gainers sa bilang na 107, kumpara sa losers o natalo dahil bumaba ang presyo ng kanilang sapi na nasa 71, at 39 stocks ang hindi nagbago.
***
Napag-usapan ang stocks, marahil sa iba, iisipin nila na ano naman ang pakinabang ng karaniwang Pinoy sa pagsigla ng merkado? Anong buti ang idudulot nito sa kanilang buhay? Magbibigay ba ito ng trabaho na hinaharap ng marami sa administrasyong Aquino?
Hindi man direktang pakinabang ang maramdaman ng mga karaniwang mamamayan sa patuloy na pagsigla ng kalakalan, magbibigay naman ito ng kumpiyansa sa pangkalahatan ng bansa sa mata ng mga dayuhang mamumuhunan para lalong sumigla ang ating ekonomiya.
Ang pagdami ng mga dayuhan na naglalagak ng puhunan sa pamamagitan ng pagbili ng sapi sa mga kumpanyang nakalista sa PSEi ay magiging daan ng pagtatag ng kumpanya na kanilang napipili.
Ang resulta nito, mananatiling may trabaho ang mga Pinoy na nasa kumpanyang ito, o kung hindi man, maging daan ng tinatawag na "expansion" o pagpapalaki pa ng kumpanya na magiging dahilan ng pagkuha ng mas maraming trabaho.
Bukod dito, makatutulong din ang patuloy na paglago ng kalakalan sa merkado upang lalo pang mapalakas ang piso kontra dolyar, na indikasyon din ng malakas na ekonomiya ng bansa. 
Bagaman magkakaroon ng negatibong epekto sa mga overseas Filipino workers at exporters ang malakas na piso, dapat tingnan ang pangkalahatang kabutihan sa bansa at sa mga Pilipino ng mas malakas na piso.
Marahil, sa pagkakataong ito ay makabubuting makagawa ng programa ang pamahalaan upang mabigyan ng edukasyon ang mga Pilipino kung papaano maglaro o mamuhunan sa stock market lalo na ang mga pamilya ng OFWs na kadalasang natutulog lang sa bangko ang mga padalang remittance ng kanilang mahal sa buhay.
Ang pagbabalik ng kumpiyansa ng mga dayuhan sa pagsali sa merkado ay pagpapakita rin ng paglakas ng pananalig ng mga namumuhunan na kayang ipagpa­tuloy ni PNoy na pasiglahin ang ekonomiya ng bansa.
Bagaman nasa kalahati pa lamang ng kanyang termino si PNoy, marami nang pagbabago at reporma na naipatupad ng kanyang liderato para mapasigla ang merkado at makapagtala ng mataas na puntos sa paglago ng ekonomiya. Hindi man kaagad maramdaman ng iba ang epekto ng magandang balitang ito, nagsisimula pa lang ang taon kaya konting tiis muna.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy nyo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: