Friday, January 4, 2013

Collateral damage!



Collateral damage!
Rey Marfil




Kung anuman o gaano man kalaki ang pag-angat sa ekonomiya na makakamit ng bansa ngayong taon, tiyak na malaking bahagi nito ang hindi magagamit sa nakaplanong mga programa na makatutulong sa pagpapaunlad ng bansa iyan ay dahil sa bagyong si ‘Pablo’.

Lubhang napakalawak ng pinsalang iniwan ni Pablo lalo na sa Min­danao, na hindi lang mga kalsada, tulay, pananim ang sinira, kundi pati buhay ng napakarami na­ting kababayan mga nasira na magiging prayoridad nga­yon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na buuin nito.

Sa simpleng matematika ng gastusin sa bahay kung si tatay ay nakaipon ng P100 ngayong taon at plano niyang ipambili ng magarang tsinelas sa susunod na taon pero biglang nabutas ang bubong ng bahay at kailangang bilhan ng bagong yero para hindi mabasa ang loob ng bahay; uunahin na niyang bilhin ang bubong at saka na lang bibili ng tsinelas kapag muling nakaipon.

Marahil ay ganito rin ang mangyayari sa ating bansa na matapos makapagtala ang gobyerno na kahanga-hangang 7.1% economic growth sa ikatlong bahagi ng taon, ay bigla namang namerwisyo si ‘Pablo’.

Ang lintek na si ‘Pablo’, umabot na sa mahigit P24 bil­yon ang pinsalang idinulot sa imprastruktura at mga pananim. Kinitil pa niya ang buhay ng mahigit 1,000 katao at nawawala pa ang mahigit 800.  

Ang halaga ng pinsala ni ‘Pablo’ ay mahi­git pa sa pondong inilaan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mahigit P23 bilyon para na sa “buong taon” ng 2013. Ganoon katindi ang pinsala na a­ting pinag-uusapan na tutugunan ng pamahalaan ngayon.

***

Napag-usapan ang pinsala ni Pablo, maraming kalsada, tulay, at mga gusali gaya ng paaralan at ospital ang kailangan ding itayong muli para magamit.
Ngunit magagawa lamang ang mga ito kung may pondong ilalaan. At dahil sa pangako ni PNoy na bilisan ang rehabilitasyon ng lugar na sinalanta ng bagyo, natural na bibigyan ito ng prayoridad sa alokasyon.

Kaya naman hindi magiging kataka-taka na ipagpali­ban o kaya naman ay mabawasan ang ibang naunang proyekto na gagawin ng pamahalaan, para mabuhusan ng malaking pondo ang gagawing rehabilitasyon sa mga sinalantang lugar, na tantiya ng NDRRMC ay aabutin ng ilang taon.

Dito ay magiging malaking tulong ang mga ipinagkakaloob ng donasyon ng iba’t ibang bansa para sa rehabilitasyon ng mga sinalantang lugar.
Ang maganda lamang ngayon, makatitiyak ang mga bansang nagbigay ng donasyon at kumpiyansa ang mga mamamayan na gaga­mitin ng gobyernong Aquino ang mga donas­yon sa tama at hindi mapupunta sa bulsa ng ilang loku-lokong opisyal.

Nakakapanghinayang nga lamang na kung wala sanang matitinding kalamidad na tumatama sa bansa gaya ni ‘Sendong’ na naghasik ng perwisyo sa Mindanao, partikular sa Cagayan de Oro noong 2011 at si ‘Pablo’ ngayong taon mas marami sanang programa at proyekto na nagagastusan ang pamahalaan.

Gayunpaman, dapat unahin at unawain na kailangan bigyan ng prayo­ridad ang rehabilitas­yon ng mga sinasalanta ng kalamidad para matulu­ngang makabangon ang ating mga kababayan. 

Magtulungan na lamang tayo at maging handa kapag dumarating ang kalamidad. Sumunod sa payo kung kailangan talagang lumikas, umalis sa lugar kung sadyang peligroso sa mga pagbaha at pagguho ng bundok para mabawasan ang pinsala ng trahedya.

Sa kabila ng lahat ng ito, nakatutuwang isipin na mataas ang pag-asa (9 sa bawat 10 Pinoy) ng a­ting mga kababayan na magiging mas maganda ang buhay sa Pilipinas sa ilalim pa rin ng gobyernong Aquino sa 2013, batay iyan sa resulta ng isang survey.  Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: