Friday, January 18, 2013

Target ang Mindanao!



Target ang Mindanao!
REY MARFIL



Malinaw na indikasyon ng kahandaan ng administrasyong Aquino na wakasan ang rebelyon ng makakaliwang rebelde sa ipinakitang positibong pagtingin ng MalacaƱang sa pinahabang tigil-putukan ng rebeldeng komunista.
Idineklara ng Central Committee of the Communist Party of the Philippines (CPP) na magpapatuloy ang tigil-putukan hanggang Enero 15.
Sa ganitong bagay, mabibigyan ng pagkakataon ang mga sundalo at mga rebelde ng mas mahabang panahon na makasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kitang-kita ang kagustuhan ng pamahalaan na isulong ang kapayapaan sa pamamagitan ng pag-aabot nito ng kamay.
Naunang nagkita ang mga kinatawan ng CPP-New People's Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa The Hague, Netherlands para mapagkasunduan ang tigil-putukan simula Disyembre 20, 2012.
Magandang senyales na tinitingnan ng administrasyong Aquino ang posibleng pagbubukas ng usapang-pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF para sa wagas na kapayapaan sa bansa.
***
Napag-usapan ang good news, ipinag-utos ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino ang pagpapalabas ng karagdagang P745.5 milyon para sa mahihirap na mga residente ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na pinamumunua­n ni officer-in charge Gov. Mujiv Hataman.
Bahagi ito ng P32.3 bilyon ng programa para masustina ang mga aktibidad sa pagsusulong ng kapayapaan sa rehiyon at hindi kasama rito ang nailabas na P318.5 milyon noong Mayo 2012 para sa serbisyong kalusugan at P526 milyon noong Pebrero 2012 na pambili naman ng kailangang mga kagamitan sa pagmintina ng kaayusan at kapayapaan.
Dahil dito, aabot na sa P1.59 bilyon ang kabuuang pondo na naipalabas sa ARMM sapul noong 2012, isang patunay kung gaano kaseryoso si PNoy na mabigyan ng makatotohanang reporma ang ARMM sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo na direktang pakikinabangan ng mga tao sa rehiyon, lalung-lalo na ang pagtiyak ng seguridad at pagsusulong ng progreso.
Sa ilalim ng pamumuno ni Hataman, isa sa labis na pinagkakatiwalaang lider Muslim ni Pangulong Aquino, siguradong makakatulog tayo nang mahimbing na magagamit ang pondo sa tama para ayudahan ang pangangailangan ng mahihirap na mga pamilya sa rehiyon sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pangunahing mga pangangailangan at serbisyo na nakompromiso sa nakalipas na pamahalaan na pinalala rin ng armadong labanan.
Gagamitin ang ipalalabas na P745.5 milyon para suportahan ang kaunlaran sa mahihirap na mga lugar sa rehiyon, pagsuko ng mga armas at puwersa, at konstruksiyon ng estratehikong mga kalsada at pampublikong mga istruktura at iba pang positibong mga programa tungo sa progreso.
Ilalabas ang pondo sa pamamagitan ng Payapa at Masaganang Pamayanan Program para suportahan ang patuloy na pagsusulong ng kaunlaran at pagmitina ng mga aktibidad para sa kapayapaan sa ARMM.
Magkatuwang na ipinapatupad ang PAMANA ng Office of the Presidential Adviser for the Peace Process (OPAPP), Department of National Defense-Armed Forces of the Philippines (DND-AFP), Department of Public Works and Highways (DPWH) at ARMM.
Layunin ng programa na isulong ang polisiya sa reporma sa pambansang antas, pagkakaloob ng serbisyong sosyal sa mga lugar na mayroong labanan, at pagdugtong sa mga komunidad sa merkdao para makalikha ng trabaho at maging madali ang pagdadala ng mga produkto at serbisyo sa pamamagitan ng mahalagang imprastraktura katulad ng farm-to-market roads.
Dahil sa pagsusumikap ng pamahalaan, nakapasok ang Pili­pinas sa 2012 Global Peace Index by the Institute for Economics and Peace bilang isa sa limang nangungunang mga bansa na mayroong mataas na pagbabago sa usapin ng pagkakaroon ng kapayapaan noong 2012 kasama ang Sri Lanka, Zimbabwe, Bhutan, at Guyana.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: