Nakikita ang bunga! | |
Pinatunayan ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na magbubunga ang malinis na pamamahala upang lalong tumaas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan matapos makapagtala ng bagong tala ang Philippine stock market nang mahigitan ang 6,000-point mark na kauna-unahan sa 86-taong kasaysayan ng stock trading.
Labis na nagbunyi ang mga mamumuhunan sa positibong mga balita kaugnay sa ekonomiya sa loob at labas ng bansa dahil sa "matuwid na daan" ni PNoy, as in umarangkada ang Philippine Stock Exchange (PSE) index nang 1.23 % o 73.46 puntos para maitala ang record breaking na 6,044.91 marka.
Inaasahan din ng mga eksperto na magpapatuloy ang pag-asenso sa stock market ngayong taon at hindi na nakakapagtaka ito dahil na rin sa makatotohanang mga reporma ng administrasyong Aquino.
Kaya't huwag nang magtaka kung umabot man ang marka sa stock market mula 6,680 hanggang 7,000 ngayong taon.
Hindi lang 'yan, sumisikad ang positibong epekto ng mga programa para sa mahihirap ni PNoy base sa resulta ng bagong survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan bumaba ng isang milyon ang pamilyang Filipino na nakaranas ng pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan ng 2012 kumpara sa nauna pang tatlong buwan.
Sa isinagawang survey noong Disyembre 8 hanggang 11, lumitaw na 16.3% ng respondents o 3.3 milyong pamilya na lamang ang nakaranas ng pagkagutom mula Oktubre hanggang Disyembre 2012.
Bumaba ito nang 21% kumpara sa 4.3 milyong pamilya na nagsabing nakaranas sila ng pagkagutom sa huling tatlong buwan bago pumasok ang Oktubre.
Mismong ang SWS ang nagsabing naitala noong Disyembre 2012 ang pinakamababang datos ng pagkagutom sa nakalipas na isa at kalahating taon.
Pinakamababa itong hunger rate sapul nang maitala ang 15.1% o tatlong milyong pamilya noong Hunyo 2011 at napakalayo sa naitalang pinakamataas na 23.8% o 4.8 milyong pamilyang nagutom noong Marso 2012.
Asahan na natin ang mas mainam at maganda pang mga resulta sa darating na mga buwan dahil sa patuloy na pagsusumikap ni PNoy na isulong ang interes ng mahihirap na mga tao katulad ng conditional cash transfer (CCT) o subsidiya sa mahihirap na mga pamilya.
***
Napag-usapan ang good news, ipinamalas ni PNoy ang kanyang matinding malasakit sa kagalingan at interes ng mga bata sa implementasyon nito ngayong taon sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng kampanya na mayroong badyet na P9 bilyon para supilin ang problema sa child labor sa bansa.
Sa tulong ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz, ilulunsad ng administrasyong Aquino ang apat na taong programa na tinatawag na "HELP ME". Nangangahulugan ang HELP ng health, education, livelihood and prevention habang monitoring and evaluation ang ME.
Sa programang ito, layunin ni PNoy na mailigtas ang tinatayang 893,000 mga bata mula sa mabigat at delikadong mga trabaho. Gagamitin ng HELP ME ang mga komunidad para labanan ang child labor at ipatutupad simula ngayong taon hanggang 2016 gamit ang P9 bilyon.
Makakatulong ang programa para makasunod ang bansa sa pamantayan ng Millennium Development Goal na naglalayong matigil ang kahirapan sa pamamagitan ng disenteng trabaho.
Sa 2016, inaasahang 75% ng 2.9 milyong mga manggagawang bata ang maililigtas sa delikado at mabigat na hanapbuhay.
Ginawa ang HELP ME ng Human Development and Poverty Reduction Cluster ng Gabinete kung saan pangungunahan ng DOLE at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang implementasyon.
Sa tulong ng P9 bilyon, masusuportahan nito ang umiiral na mga programa at serbisyo para alalayan ang kalusugan sa paglaki ng mga bata, ayuda sa edukasyon katulad ng allowance sa transportasyon at pagkain, school uniforms at suplay, kabuhayan para sa mga magulang ng manggagawang mga bata, at pagpigil sa pagkakaroon ng child labor at proteksiyon at prosekusyon ng mga lumalabag sa batas.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment