Kriminal ang happy! | |
REY MARFIL
Tama ang desisyon ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na higpitan na lamang ang batas tungkol sa pagmamay-ari ng mga baril sa halip na tuluyan itong ipagbawal sa mga sibilyan.
Kung tutuusin, hindi naman ang mga lisensyadong baril ang madalas masangkot sa krimen kundi ang tinatawag na loose firearms o mga baril na hindi lisensyado. At sino naman ang mga taong ayaw iparehistro ang kanilang baril, siyempre ang mga kriminal o may balak na gamitin ito sa hindi maganda.
Sa sandali kasing ipalisensya ang baril, magkakaroon na ito ng rekord sa pulisya kaya madali ring matutukoy ng mga awtoridad kapag nasangkot sa krimen. Kung tutuusin, ang pagkakaroon ng lisensyang magmay-ari ng baril ay hindi naman awtomatikong karapatan para bitbitin ito sa labas ng bahay.
Para mailabas ng bahay ang baril, kailangan pa rin itong ihingi ng permiso sa pulisya o kung tawagin ay permit to carry (PTC). Ngunit hindi rin basta-basta makakakuha ng permisong ito kung wala namang banta sa iyong buhay.
Naging mainit ang usapin sa baril dahil na rin sa ilang emosyunal na kasong nangyari nitong nakaraang mga linggo na kinasangkutan ng baril. Isa na rito ang pagkamatay ni Stephanie Nicole Ella at ang walang habas na pamamaril sa Cavite na ikinamatay ng walong tao.
***
Sa kaso ni Nicole, wala pang linaw kung lisensyado o hindi ang pinagmulan ng bala na tumama sa kanyang ulo na dahilan ng kanyang kamatayan. Ang mga kapitbahay niya na may lisensyadong baril, isinuko na sa pulisya ang mga baril para masuri.
Sa nangyari sa Cavite, lumilitaw na paso na ang lisensya ng baril na ginamit sa karumal-dumal na krimen kaya maituturing na loose firearms na ito. Sa iba pang kriminal na napaslang ng mga awtoridad o nahuli, hindi rin lisensyado ang kanilang mga baril.
Kaya tama rin naman ang katwiran ni PNoy na ang mga kriminal na lihim na nagdadala ng mga hindi lisensyadong baril ang matutuwa kapag tuluyang ipinagbawal sa sibilyan ang magmay-ari ng baril. Mas madali na nilang matatarget ang sinuman na pupuntiryahin nila dahil wala nang panlaban ang kanilang bibiktimahin.
Halimbawa sa loob ng bahay, kung ang isang pamilya ay walang baril, papaano nila maipagtatanggol ang kanilang sarili sakaling pasukin sila ng magnanakaw na mayroong baril? Hindi naman uubra na mahusay ka lang sa karate at lalong walang binatbat ang tirador o yantok na nakasabit sa dingding.
Hindi rin makatwiran na puna ng ilang lihis na kritiko na kaya ayaw ni PNoy ng total gun ban ay dahil siya mismo'y mahilig sa baril. Marahil kung siya lang ay papayag si PNoy na ipagbawal sa lahat ang baril at hayaan na lamang ang awtoridad gaya ng sundalo at pulis ang magdala ng baril.
Mataas na opisyal si PNoy kaya hindi magiging problema sa kanya na kumuha ng bodyguard na may baril para siya protektahan.
Pero ang inisip ng Pangulo ang kaligtasan ng mga sibilyan na may karapatan din naman na protektahan ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at kanilang ari-arian, o marahil maging ang ibang tao na malalagay sa panganib ang buhay dahil sa mga kriminal na armado ng hindi lisensyadong baril.
Ang kailangan lang talaga ay higpitan ang proseso para makapagmay-ari ng baril ang isang tao, bigatan ang parusa sa mga masasangkot sa krimen, at hulihin ang mayroong hindi lisensyadong baril.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, January 14, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment