May political will! | |
Pagkaraan ng 14 na taon mula nang unang isulong sa Kongreso ang tinatawag na "reproductive health" o "responsible parenthood" bill, ngayon lang ito pumasa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino.
Mula nang maupo sa Palasyo noong 2010, naging malinaw na ang posisyon ni PNoy tungkol sa kontrobersyal na panukalang batas na mas gusto niyang tawagin na "responsible parenthood" bill dahil layunin nitong gabayan ang mga magulang na maging responsable sa pagpaplano ng pamilya.
Gaya ng mga nalathala na pahayagan at naibalita sa media, nakapaloob sa panukalang batas ang paggamit ng mga artificial method sa pagpaplano ng pamilya gaya ng pills at condom. Isa ito sa ilang dahilan kaya mahigpit itong tinututulan ng Simbahang Katoliko na nagtataguyod ng "natural" na paraan ng pagpaplano ng pamilya.
Lubhang mainit ang talakayan tungkol sa panukalang batas dahil bukod sa usapin ng relihiyon ay nakadikit din dito ang usapin ng kalusugan at kahirapan. Kaya para malaman, "once and for all", 'ika nga kung suportado ng higit na nakararaming kongresista ang panukala, hinikayat ni PNoy ang mga mambabatas na pagbotohan na ang RH o RP bill.
Malinaw ang mungkahi ni PNoy sa mga mambabatas talakayin na ito para malaman kung "yes" o "no" vote ang mananaig. Pero walang utos ang Pangulo sa mga mambabatas na talakayin ito at papanalunin ang "yes" votes.
Hinayaan ni PNoy ang mga kongresista na magpasya, batay sa kanilang konsiyensya kung sasalungatin nila ang posisyon ng Simbahan sa kabila ng mga banta na ikakampanya sila na huwag na muling iboto sa halalan ng mga deboto.
Marahil ang babalang ito ng Simbahan ang dahilan kung bakit tumagal ng 14 na taon bago maaksyunan ng Kongreso ang panukalang batas. Maaaring ito ang dahilan kaya ang tingin noon ng mga nagsusulong at sumusuporta sa RH bill ay walang "political will" ang mga nagdaang administrasyon.
***
Napag-usapan ang botohan sa Kongreso, kung tutuusin, ang mga kongresista ang kinatawan at tinig ng mga tao sa bawat distrito ng bansa. Marahil ito ang hinintay ni PNoy na makita kung lalabas na mayorya sa mga kinatawan ng mamamayan ang susuporta sa RH bill at ganu'n na nga ang nangyari. Sa botohan sa ikalawang pagbasa, dikit na 114-103 ang resulta na pabor sa pagpasa ng RH bill.
Pero nang isertipika na ito ni PNoy bilang urgent bill, lalong dumami ang bumoto pabor sa panukala at nabawasan ang tutol nang isalang sa ikatlo at huling pagbasa ng mga kongresista. Pagpapakita na nakinig ang Pangulo at umayuda sa hangarin at paniniwala ng mas nakararaming mambabatas na makatutulong kaysa makasasama ang RH o RP bill.
Ngayon na natapos na ang botohan, nananawagan ang Palasyo ng pagkakaisa at pagtutulungan sa Simbahan para maisulong ang iba pang programa na kailangan ng mamamayan. Mas makabubuting magkaisa para makamit ang layunin ng panukalang batas na mabawasan ang hindi planadong pagbubuntis na nauuwi sa pagpapalaglag na kung minsan ay ikinamamatay din ng ina.
Matagal na panahon na walang ganitong batas pero patuloy ang pagdami ng kabataang nabubuntis, mga nagpapalaglag, mga inang namamatay sa panganganak at mga batang nabubuhay sa kahirapan.
Bakit hindi natin bigyan ng pagkakataon ang RH o RP bill?
Iisa lang naman ang dahilan ng pagtatalo ng Simbahan at mga nagtataguyod at kontra sa nabanggit na panukalang batas ang pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan.
Ngayong natapos na ang botohan, hayaan natin at bigyan ng pagkakataon na maipatupad ito kapag ganap nang naging batas para malaman kung sino ang tama.
Sa malaking tiwalang ibinigay ng mamamayan kay PNoy nang ihalal nila ito sa Palasyo, hindi siya gagawa ng mga hakbang at desisyon na ikapapahamak ng mga taong kanyang pinaglilingkuran.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment