Monday, January 28, 2013

Bawas “I.S.B.”!




Bawas “I.S.B.”!
Rey Marfil


Ilang buwan na lang at magmamartsa na ang libu-libong estudyante sa kolehiyo na tanda ng kanilang pagtatapos. Ibig sabihin nito, madadagdagan na naman ang ating mga kababayan na maghahanap ng trabaho.

Ang mga papalarin na makakahanap agad ng trabaho, mapapasama sa listahan ng mga “employed”, habang ang mga mabibigo naman ay madadagdag sa mga istambay o “unemployed”.

Pero maganda ang tiyansa ng mga kabataan ngayon na maghahanap ng trabaho sa ilalim ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino. Batay kasi sa ulat ng isang pandaigdigang organisasyon, pababa o patuloy na nababawasan ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas sa nakalipas na tatlong taon.

Kung ang takbo ng “employment” rate sa mundo ay pababa o dumadami ang walang trabaho, hindi naman ito ang nangyayari sa Pilipinas, batay sa pagsusuri ng International Labor Organization (ILO).

Ayon sa ulat na ILO Global Employment Trends 2013, ang unemployment rate sa Pilipinas ay bumaba sa 6.9 percent sa ikalawang bahagi ng 2012, kumpara sa 7.2 percent sa kaparehong panahon noong 2011.

Lumitaw na nabawasan ang bilang ng mga lalake na walang trabaho na naging 7.0 percent mula sa dating 7.6 percent. Habang hindi naman nagbago ang datos sa mga babaeng manggagawa sa 6.7 percent.

***

Hindi lang ‘yan, maging ang unemployment rate sa mga kabataang manggagawa ay nabawasan din sa 16.0 percent, mula sa 16.6 percent noong 2011 at 18.8 percent noong 2010.

Ngunit kung tutuusin, tiyak na mas bababa pa ang datos ng mga walang trabaho sa Pilipinas kung malulutas ang problema sa tinatawag na “job mismatch” o hindi tugmang kasanayan ng mga manggagawa sa bakanteng trabaho.

Ang problemang ito ang hinahanapan ng solusyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil maraming bakanteng trabaho ngunit hindi inaaplayan ng mga tao dahil hindi ito akma sa kurso na kanilang kinuha.

Marami sa mga kabataan ang kumukuha ng kurso na pang-opisina samantalang ang pangangailangan ngayon sa industriya ay para sa construction, electronics, tou­rism, business processing at outsourcing at agri-fishe­ries, ayon sa DOLE.

Magandang hakbang din ang gagawin ng pamahalaang Aquino sa pamamagitan ng DOLE na magsagawa ng mga job fair sa mga lalawigan upang makapag-aplay ng trabaho ang ating mga kababayan doon.

Marami nga naman sa ating mga kababayan ang walang sapat na pera o pamasahe para magtungo sa mga malalaking lungsod gaya sa Metro Manila para magha­nap ng trabaho. Kaya magiging malaking ginhawa sa kanila kung sa kanilang mga lugar gagawin ang mga job fair.

Sana lang, ang mga bakanteng trabaho na iaalok ng DOLE ay nandoon din o malapit lang sa lugar ng mga aplikante para hindi na sila kailangang lumayo sa pamilya at hindi gumastos ng malaki sa pamasahe.

Kapag nagpatuloy ang ganitong pagsisikap ng pamahalaan na lumikha ng mga trabaho at dadalhin mismo sa mga tao, asahan na tuluy-tuloy din na bababa ang bilang ng mga I.S.B. o “istambay sa bahay”. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”

(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: