Buhay na buhay! | |
REY MARFIL
Sa pagsipa ng paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng taong 2012, buhay na buhay ang pag-asa ng mga Pilipino na mas maganda ang naghihintay para sa atin sa susunod na taon.
Mismong si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ay nangakong gagawin niya ang lahat para magtuluy-tuloy ang naitalang paglago ng ekonomiya sa 7.1 percent na pinakamataas na pag-usad sa ekonomiya sa mga bansa sa Asya.
Kasama ng paglago ng ekonomiya ang patuloy na pagtaas ng tiwala ng mga dayuhang namumuhunan sa kampanya ng gobyerno kontra sa katiwalian kaya magiging patas ang laban kung maglalagay sila ng negosyo sa Pilipinas.
Tapos na ang panahon na kailangan ng mga namumuhunan na maglagay o magpadulas para lamang makapagnegosyo sa bansa. Hindi na rin kailangan ang "palakasan" upang mawala ang ka-kumpetensya sa negosyo at maipasok ang kanilang mga "bata-bata".
Ngayon, kung legal ang iyong negosyo, kumpleto sa papeles at magbibigay ng trabaho sa mga Pilipino, welcome ka sa Pilipinas.
Kaya't hindi kataka-taka ang naging resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan lumitaw na pito (7) sa bawat sampung (10) Pinoy ang nagpahayag ng kumpiyansa na magiging mas maunlad ang ekonomiya ng bansa sa 2013.
Ginawa ang survey noong Agosto, buwan na hindi pa nailalabas ang magandang balita sa mataas na 7.1 percent na pag-angat ng ekonomiya sa ikatlong bahagi ng taon.
Sa naturang survey ng SWS na lumabas sa pahayagan, 31 porsyento ng 1,200 katao na tinanong ang nagsabing, naniniwala sila na mas magiging maganda ang ekonomiya sa 2013.
Sa bilang ng mga respondent, 14 porsyento lang ang negatibo ang tugon kaya ang resulta ng "net rating", very high na +17.
Bagama't bahagyang bumaba ang personal optimism ng mga respondent na mula sa +30 noong Mayo at naging +27 nitong Agosto, asahang magbabago ang personal na pananaw na ito dahil nga sa magandang resulta ng ekonomiya sa pagtatapos ng taon.
***
Napag-usapan ang good news, nakatutuwang isipin na ang mga positibong nagaganap sa ekonomiya ng bansa ay naisakatuparan sa loob pa lamang ng mahigit dalawang taon sa liderato ni PNoy, ito'y sa kabila pa ng mga matinding pagsubok ng mga kalamidad na tumama sa bansa at puminsala sa sektor ng agrikultura.
Bukod pa rito, hindi pa lubos na naipatutupad ng gobyerno ang bilyun-bilyong proyekto sa ilalim ng private-public-partnership o PPP contracts na tiyak na magbibigay din ng maraming trabaho sa ating mga kababayan.
Asahan na rin ang magandang dulot ng patuloy na paglakas ng piso kontra dolyar na umabot na sa pinakamataas na P40.80 vs $1. Bagaman maaapektuhan nito ang kita ng ating mga overseas Filipino workers (OFWs) at nasa export-import sector, asahan naman na may nakahandang ayuda ang ating pamahalaan para sa kanila.
Malay natin, baka sa patuloy na paglakas ng piso ay maisipan na ng ating mga kababayan na manatili na lamang sa Pilipinas at dito na maghanap ng trabaho kabilang ang kanilang mga mahal sa buhay.
Pero sabi nga natin, nasa ikalawang taon pa lamang ng termino si Aquino at malayo pa ang kanyang lalakbayin upang tuluyang maihango sa hirap ang ating mga kababayan. Kailangan natin na patuloy siyang suportahan sa kanyang mga gagawing programa at repormang ipatutupad.
Ipagdasal din natin na patuloy na bigyan ng malusog na pangangatawan ang ating Pangulo at himuking magbakasyon paminsan-minsan para makapagpahinga. Itigil na rin sana ang mga kritisismo na wala namang basehan at nais lang magpapansin.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, December 7, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment