Friday, December 21, 2012

Sakto!




Sakto!
REY MARFIL




Hindi ba’t kapuri-puri ang agarang pagdedeklara ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ng State of National Calamity para mapabilis ang pagliligtas, pagkakaloob ng tulong at rehabilitasyon matapos wasakin ng bagyong Pablo ang ilang lalawigan sa Mindanao.
Sa ilalim ng Proclamation No. 522 na inilabas ng Pangulo, nabigyan ang mga lokal na pamahalaan ng agarang pagkakataon na gamitin ang kanilang pondo para sa kalamidad upang saklolohan ang mga biktima.
Mapapabilis din ang pagpapalabas ng tulong ng pambansang pamahalaan at pribadong sektor, kabilang ang tulong sa internasyunal na komunidad, at epektibong makokontrol ang presyo ng pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar.
Agaran at epektibo ring maipatutupad ang mga mekanismo para sa internasyunal na “humanitarian assistance” alinsunod sa Republic Act (RA) No. 10121 na mas kilala sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Dahil dito, inatasan ng Pangulo ang lahat ng mga departamento at kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan para maipagkaloob sa mga biktima ang medikal na ayuda, tulong at rehabilitasyon alinsunod sa umiiral na mga plano at kautusan.
Obligado rin ang mga institusyong nagpapautang na magkaloob ng zero interest sa lugar na labis na naapektuhan sa pamamagitan ng kooperatiba o organisasyon ng mga tao.
Kabilang sa labis na tinamaan ang mga lalawigan ng Compostela Valley, Davao Oriental at Davao del Norte sa Region 11; Surigao del Sur sa CARAGA Region; Lanao del Norte, Misamis Oriental at Cagayan de Oro City sa Region 10; Siquijor sa Region 7; at, Palawan sa Region 4-B.
Magandang halimbawa rin ang pagtungo nang personal ng Pangulo sa nasalantang mga lugar sa New Bataan sa Compostela Valley at Boston sa Davao Oriental.
At kailanman hindi naging ugali ni PNoy ang makigulo o maging hadlang sa rescue operation kaya’t madalas nababatikos ‘pag nahuhuli sa pag-aksyon dahil hindi agarang nagtutungo sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad o bagyo.
Ang hindi nalalaman ng mga kritiko, ito’y kailangang gawin ng Pangulo dahil mada-divert ang mga sundalo at pulis na naka-assign sa rescue bilang security nito, maging ang iba pang resources, katulad ng mga helicopter na ginagamit sa operasyon.
Isang halimbawa ang tinamaan ng bagyong Pablo, ipinagamit ni PNoy sa relief and rescue operation ang mga helicopter na nagsisilbing back-up o sinasakyan ng mga security sa mga engagement nito.
***
Napag-usapan ang aksyon, kapuri-puri rin ang paglalaan ni PNoy sa pamamagitan ng Kongreso ng P292.7 bil­yong pondo para sa edukasyon na magmumula sa Department of Education sa ilalim ng 2013 General Appropriations Bill (GAB).
Sa ilalim ng matuwid na daan, asahan nating gagamitin ito para mapabuti at mapataas ang antas sa kalidad ng pagkakaloob ng edukasyon sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtatayo at rehabilitasyon ng mas maraming silid-aralan, pagbili ng mga libro, at pagtiyak na maibibigay ang suweldo ng mga guro sa tamang panahon.
Matapos ang mahabang panahon, maganda ang kalagayan at posisyon ng pamahalaan ngayon na ipagkaloob ang mas magandang kalidad ng pampublikong edukasyon para sa ating mga anak.
Malinaw din ang tagubilin ng Pangulo kaugnay sa istriktong paggamit ng pondo kung saan ito dapat gugulin hanggang sa kahuli-hulihang sentimo.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: